Batang babae patay sa severe dengue matapos mabakunahan ng Dengvaxia
PITONG buwan matapos mabakunahan ng Dengvaxia, namatay ang 10-anyos na batang babae mula sa Bataan dahil sa severe dengue.
Sa kanilang joint affidavit, sinabi nina Nelson at Marivic De Guzman, na tinanggap ng kanilang anak na si Christine Mae De Guzman ang dengue vaccine noong Abril 16, 2016, matapos ang isinagawang school vaccination project sa Sisiman Elementary School.
“Habang kinukunan kami ng impormasyon, sinabihan kami pasalamat kayo binigyan tayo ng gobyerno ng libreng anti-dengue vaccine. Sa private po kasi may bayad na mahal aabot ng P4,500 to P5,000,” sabi ni Nelson.
Idinagdag ni Nelson na hindi agad naramdaman ang epekto ng bakuna sa kanilang anak.
Sinabi ni Nelson na makalipas ang anim na buwan o noong Oktubre 11, 2016, idinaing ng kanilang anak ang pananakit ng ulo at mataas na lagnat.
Ayon pa kay Nelson, nakaranas din ang kanilang anak ng matinding pananakit ng tiyan makalipas ang dalawang araw.
Dinala ang bata sa Mariveles Health Service Cooperative Hospital kung saan siya na-diagnose ng dengue.
Idinagdag ni Nelson na lumala ang kondisyon ng kanyang anak at inilipat sa Intensive Care Unit ng Bataan Provincial Hospital kung saan siya sinalinan ng dugo.
Ayon pa kay Nelson, idinaing ng anak ang pananakit ng dibdib.
Namatay si Christine noong Oktubre 15.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.