Winner-take-all Game 3 ng 2017 PSL Grand Prix Finals ngayon
Laro Ngayon
(Mall of Asia Arena)
4 p.m. F2 Logistics vs Petron
IISA lamang sa pagitan ng F2 Logistics Cargo Movers at Petron Blaze Spikers ang tatanghaling kampeon ngayon sa Game 3 ng best-of-three Finals series para sa titulo ng 2017 Philippine Super Liga (PSL) Grand Prix sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Maghaharap ganap na alas-4 ng hapon ang Cargo Movers at Blaze Spikers sa kumurap-talo na labanan kung saan hangad ng F2 Logistics ang ikalawa nitong korona habang ikaapat na titulo naman ang habol ng Petron sa PSL.
Itinabla ng Cargo Movers ang kanilang pangkampeonatong serye sa tig-isang panalo Huwebes ng gabi matapos nitong biguin ang Blaze Spikers, 25-20, 24-26, 13-25, 25-19, 15-4, upang makabawi sa masaklap nitong tatlong set na kabiguan, 25-14, 25-21, 25-16, sa Game 1 noong Martes ng gabi.
Sinandigan ng Cargo Movers ang momentum sa huling bahagi ng ikaapat na set kung saan nagawa nitong kumawala mula sa 16 puntos na pagtatabla sa paghulog ng 9-3 atake sa pagtutulungan nina Desiree Cheng at mga import na sina Kennedy Bryan at Ma. Jose Perez upang itulak sa matira-matibay na ikalimang set ang laro.
Isang taktikal na placing sa likuran mula kay F2 Logistics team captain Charlene Cruz ang nagbigay ng krusyal na puntos para sa Cargo Movers na angkinin ang ikaapat na set.
Sumingasing na sa pagsisimula ng ikalimang set ang Cargo Movers sa pagtatala ng 6-1 atake na hindi na nagawa pang habulin ng Blaze Spikers upang malasap ang kabiguan at magtabla ang serye sa tig-isang panalo.
Nagtulungan sina Bryan at Perez para itulak ang F2 Logistics sa 10-4 iskor bago nagpakita ng husay ang team captain nito na si Cha Cruz na pinasimulan ang limang sunod na puntos kasama sina Aby Maraño, Bryan at Perez upang buhayin ang tsansa nito na masungkit ang pinakaunang korona sa import reinforced na torneo.
Inaasahang pamumunuan muli ni Venezuelan import na si Perez ang F2 Logistics matapos magtala ng 25 puntos habang ang kakampi nito na si American reinforcement na si Bryan ay may 15 puntos. Nagtulong naman sina Maraño at Majoy Baron para sa kabuuang 22 puntos.
“‘Yung fourth set, gamble ‘yun, medyo malayo na (ang score), three locals ang nasa harap at that time, so sabi ko, ‘isang patay lang’ para makaikot,” sabi ni F2 Logistics coach Ramil De Jesus.
Napag-iwanan ang Cargo Movers sa isang set, 1-2, at naghahabol sa 0-9 sa ikaapat na set bago unti-unting nakuha ang laro upang itulak ang labanan sa winner-take-all match ngayong hapon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.