Vic kay Joey: Sanay na ‘yan sa mga intriga…at marunong mag-sorry!
TANGING si Vic Sotto lang ang hindi masyadong nasasangkot sa mga kontrobersiya among his co-hosts sa noontime show na Eat Bulaga.
Kung inyong mapapansin, pa-good vibes lang at chilax ang buhay ngayon ni Bossing kasama ang kanyang asawang si Pauleen Luna at ng kanilang panganay na anak.
Karamihan sa mga kasamahan ni Vic sa Eat Bulaga ay palaging nasa headline dahil sa mga kinapapalooban nilang mga issue, kabilang na riyan ang kanyang kapatid na si Sen. Tito Sotto at matalik na kaibigang si Joey de Leon.
Kung matatandaan, nitong nakaraang Mayo ay na-bash nang todo si Tito Sen dahil sa kanyang kontrobersyal “na-ano” comment kay dating DSWD Sec. Judy Taguiwalo sa ginanap na Commission on Appointments hearing.
At nitong Oktubre lang, si Joey naman ang nasuong sa kontrobersya dahil sa komento niyang “gawa-gawa” lang daw ng mga tao ang depresyon. Sinundan pa ito ng pamba-bash sa kanya ng mga netizens dahil sa isang litrato na ipinost niya sa Instagram na may caption na “nalunod”.
Naganap ito habang nagluluksa ang pamilya at mga kaibigan ng Hashtag member na si Franco Hernandez, na nalunod habang nagbabakasyon sa isang resort sa Davao Occidental.
Kaya naman sa nakaraang presscon ng MMFF 2017 entry ni Bossing Vic na “Meant To Beh” nahingan ng reaksyon si Bossing tungkol dito. Aniya, “Si Pareng Joey naman, sanay sa intriga ‘yan, e. Kahit nu’ng araw pa, marami nang pinagdaanan ‘yan.
“Yung paminsang-minsang naba-bash, e, kasama na talaga ‘yan sa buhay, kapag nag-social media ka, you have to be ready for anything. You have to be responsible for what you say, kung sa tingin mo, kung ikaw man ay nagkamali sa iyong mga desisyon…
“Si Pareng Joey naman, nagso-sorry kung sa tingin niya nagkamali siya. Yun naman ang sukatan ng tunay na lalaki or tunay na tao, yung kaya mong i-admit na mali ka, mag-sorry ka. Sorry, ibig sabihin, hindi mo na uulitin,” paliwanag pa ng TV host-comedian.
Showing na ang “Meant To Beh” sa Dec. 25 bilang bahagi nga ng 2017 MMFF kung saan makakasa rin sina Dawn Zulueta, JC Santos, Daniel Matsunaga, Sue Ramirez, Andrea Torres, Gabbi Garcia, Ruru Madrid, Baeby Baste at Thou Reyes. This is under the direction of Chris Martinez produced by OctoArts Films, APT Entertainment and M-Zet Productions.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.