‘Sikreto Sa Dilim’ wagi sa 2017 Int’l Film Festival Manhattan
WAGI sa International Film Festival Manhattan 2017 ang suspense-drama na “Sikreto Sa Dilim” na ginanap sa New York City, USA.
Naiuwi nito mula sa annual filmfest na sinasalihan ng iba’t ibang bansa ang Independent Achievement Award kaya naman very proud ang mga producer ng pelikula, ang mag-asawang sina Ramon Roxas at Myra Roxas.
Ang “Sikreto Sa Dilim” ay pinagbibidahan nina Akihiro Blanco, Lovely Rivero, Mike Magat (na siya ring nagdirek ng pelikula), Diane Medina, Ricardo Cepeda, Kikay Mikay at ipinakikila ang bagong child actor na si Ralph Maverick Roxas, ang gumanap na young Akihiro.
Proud naman ang producer na si Ramon Roxas sa success at sa award na natanggap ng kanilang pelikula mula sa isang international award giving body. Ito kasi ang una nilang pagsabak sa larangan ng filmmaking kaya napakagandang simula ito para sa RM8 Films Entertainment Productions at Sonza Entertainment.
“It gives me great happiness and inspiration that even though I’m just new in the industry as a producer, our film was recognized with this award in an international festival,” aniya.
Medyo sensitibo at kontrobersyal ang tema ng “Sikreto Sa Dilim”, kuwento nga ni Akihiro, ito na yata ang pinaka-challenging na role na ginawa niya sa pelikula. May pagka-psycho raw kasi ang karakter niya rito.
Magsisimula ang kuwento sa pangmamaltrato sa batang Angelo (Ralph) ng kanyang ama na biglang namatay kaya inampon siya ng kanyang Tatay Rolando (Mike) at Nanay Sandy (Lovely).
Ngunit magkakaroon muli ng problema sa bago niyang pamilya nang maging babaero si Tatay Rolando kaya lagi silang nag-aaway lagi ng kanyang asawa. Dahil dito napabayaan nila si Angelo hanggang sa maging batang hamog.
Habang pagala-gala, ay isang mayamang lalaki na may isang anak (Ricardo) ang aampon sa kanya.
Ibibigay nito kay Angelo ang lahat. Naging maganda ang takbo ng kanyang buhay hanggang sa makatapos siya ng pag-aaral.
Ngunit lingid sa kaalaman ng mga taong nasa paligid niya, may lihim si Angelo sa kanyang pagkatao na nagsimula nang magkaroon siya nang matinding galit sa mga babae. Dito na magsusunud-sunod ang mga eksenang ikaka-shock ng manonood.
Ang “Sikreto Sa Dilim” ay malapit nang ipalabas sa mga sinehan sa Pilipinas kaya ‘yan ang abangan ng madlang pipol.
Samantala, puring-puri naman ng kanyang mga kasama sa movie ang 12-year-old na bagong child actor na si Ralph Maverick. Hindi rin kasi ito nagpahuli sa aktingan, lalo na sa matinding iyakan at dramahan.
Sumailalim sa acting workshop ang bagets sa ABS-CBN kaya naman hindi nakapagtataka na meron din siyang ibubuga. Ayon kay Ralph, ilan sa mga iniidolo niya ay sina Dingdong Dantes at Gerald Anderson.
Hanga rin daw siya sa galing ni Akihiro bilang aktor kaya sana raw ay muli silang magkatrabaho sa mga susunod nilang proyekto.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.