14 rebelde patay sa engkuwentro sa Batangas | Bandera

14 rebelde patay sa engkuwentro sa Batangas

John Roson - November 29, 2017 - 04:00 PM
Labing-apat na kasapi ng New People’s Army (NPA), kabilang ang limang babae, ang napatay nang makasagupa ng mga tropa ng pamahalaan sa Nasugbu, Batangas, Martes ng gabi, ayon sa mga otoridad Miyerkules. Nasugatan naman ang isa pang kasapi ng NPA at di bababa sa tatlong sundalo, habang 12 mataas na kalibreng baril ang narekober sa mga rebelde, sabi ni Maj. Mikko Magisa, executive officer ng Army 202nd Brigade, nang kapanayamin sa telepono. Naganap ang unang sagupaan dakong alas-8:30 sa Sitio Pinamantasan, Brgy. Aga, ayon sa ulat ng Calabarzon regional police. Nagtungo sa lugar ang mga miyembro ng Air Force 730th Special Operations Wing, Batangas Provincial Public Safety Company, at Nasugbu Police para beripikahin ang impormasyon na may namataang mga armado doon, nang sila’y paputukan ng mga taong sakay ng isang jeepney at closed van, ayon sa ulat. Limang rebelde ang napatay habang nasugatan ang SPOW team leader na si Maj. Engilberto Nioda, 2Lt. Eliseo Incierto, at Tsgt. Kenneth Lopez sa naturang engkuwentro, ayon sa ulat. Nakabakbakan naman ng mga sundalo’t pulis ang isa pang grupo ng mga rebelde sa Sitio Batulao, Brgy. Kaylaway, 2 kilometro mula sa pinangyarihan ng unang sagupaan. Siyam na rebelde ang napatay sa naturang engkuwentro, habang walang naiulat na casualty sa mga tropa ng pamahalaan. Sa inisyal na resulta’y dalawang rebelde ang nasugatan, pero isa sa kanila ang namatay sa ospital, ani Magisa. Kinilala ng mga awtoridad ang namatay sa ospital bilang si Josephine Santiago Lapera alyas “Ella,” isang 22-anyos na mula Marikina City. Biniberipika pa ng mga tropa ng pamahalaan ang impormasyon na kabilang sa mga nasawi ang sekretarya at platoon leader ng mga rebelde, ani Magisa. Nakarekober ng mga kawal ang 10 unit ng M16 rifle, isang M16 rifle na may na kakabit na M203 grenade launcher, at isang M79 grenade launcher mula sa mga rebelde, aniya. Tinatayang 16 rebelde ang nasangkot sa engkuwentro at sila’y pawang mga miyembro ng “main body” ng Guerrilla Unit 3 ng Southern Tagalog Regional Party Committee, ani Magisa. Nakasagupa rin ng mga rebelde ang naturang NPA unit at nakubkob ang kampo nito sa Brgy. Utod, doon din sa Nasugbu, noong nakaraang Linggo. Siyam pang rebelde ang nadakip sa parehong barangay. Aang naturang NPA unit din ang tinarget ng military operation noong Setyembre sa Batangas City, kung saan isang rebelde ang napatay, ani Magisa. “Nakuha sila halos lahat kagabi. Pag nalaman ito ng ibang NPA, maski sa ibang parte ng bansa sigurado made-demoralize,” aniya. “Tuluy-tuloy itong campaign against them dito sa Southern Tagalog… We will keep them running para matigil na itong extortion nila,” sabi pa ni Magisa.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending