Kawal napaulat na patay, 1 pa sugatan sa panibagong NPA ambush | Bandera

Kawal napaulat na patay, 1 pa sugatan sa panibagong NPA ambush

John Roson - November 12, 2017 - 04:41 PM
Isang sundalo ang napaulat na nasawi habang isa pa ang nasugatan sa pananambang ng New People’s Army sa Iligan City, Linggo ng umaga, ayon sa pulisya. Nagpakalat na ng mga sundalo’t pulis para tugisin ang mga rebelde, na umatake ilang araw lang matapos ang magkasunod na ambush sa Bukidnon nitong Huwebes at Biyernes, sabi ni Supt. Lemuel Gonda, tagapagsalita ng Northern Mindanao regional police. Isinagawa ng di mabatid na bilang ng rebelde ang pinakahuling pananambang laban sa isang team ng mga sundalong pinamunuan ni Tsgt. Edgar Andal sa Malagsum, Sitio Libandayan, Brgy. Rogongon, Iligan, dakong alas-8:30. Nagpapatrolya at nagsasagawa ng route security operations ang mga kawal sa Iligan-Bukidnon road nang sila’y salakayin, ani Gonda. Napaulat na nasawi si Andal, na nasa ambush site pa habang isinusulat ang istoryang ito, habang isang Cpl. Pamplona ang bahagyang nasugatan at nakabalik sa patrol base, aniya. Pinaniniwalaang mga kasapi ng Guerrilla Front 68, na pinamumunuan ni commander “Kiram,” ang nagsagawa ng ambush, ani Gonda. Ang Rogongon ay isang barangay na katabi ng Talakag, Bukidnon, kung saan tinambangan ng mga rebelde ang patrol car ng mga pulis ng Amai Manabilang, Lanao del Sur, noong Huwebes. Isang pulis at 4-buwang sanggol, na sakay ng civilian vehicle na kasunod ng patrol car, ang napatay sa naturang insidente. Tatlo pang pulis, kabilang si Amai Manabilang Police chief Insp. Joven Acuesta, ang nasugatan sa insidente, pati ang tatlong iba pang sakay ng civilian vehicle. Noong Biyernes, pinasabugan ng landmine at pinaputukan ng mga rebelde ang mga pulis-Bukidnon na nagtungo sa pinangyarihan ng ambush noong Huwebes, pero walang nasugatan. Nagpakalat na ng mga pulis at miyembro ng Army 1st Special Forces Battalion para tugisin ang mga nagsagawa ng ambush sa Iligan, ani Gonda. (John Roson)

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending