Hidilyn Diaz sasabak sa World Championships
SISIMULAN ni 2016 Rio Olympics silver medalist Hidilyn Diaz ang daan para maging natatanging Pilipino na apat na beses nakapagkuwalipika sa Olympic Games sa pagsabak sa International Weightliftiing Federation (IWF) 2017 Weightlifting World Championship sa Anaheim, California, USA.
Hangad ng natatanging babaeng Olympian ng Pilipinas na nagwagi ng medalya sa kada apat na taong torneo na si Diaz na makapagtipon ng kinakailangan nitong puntos bilang indibidwal para sa kinakailangang quota kada rehiyon base sa sinusunod na alituntunin ng IWF.
“Kailangan po na nasa Top 50 po or mas mababa pa kami para makapag-qualify doon sa bawat slot na nakalaan sa bawat region sa buong mundo,” sabi ni Diaz, na huling nagwagi ng pilak na medalya sa 5th Asian Indoor and Martial Arts Games (AIMAG) sa Ashgabat, Turkmenistan.
Pumangalawa ang 26-anyos na si Diaz sa nagwagi ng ginto na si Liao Qiuyun ng China sa Weightlifting Arena sa Ashgabat sa pagbuhat nito sa 90 kilos sa snatch at 115 kilos sa clean and jerk para sa kabuuang binuhat na 204 kilograms.
Isasagawa ang 2017 IWF World Championships sa darating na Nobyembre 28 hanggang Disyembre 5, 2017 sa Anaheim Convention Center. Ito ang unang pagkakataon na gaganapin ang event sa Anaheim.
Matatandaan na ang tubong-Zamboanga at tatlong beses nakalaro sa Olympics ang pinakaunang Filipina na nagawang magwagi ng medalya sa huling World Weightlifting Championships na ginanap sa Houston, Texas, USA.
Inuwi ni Diaz ang tatlong tansong medalya sa snatch, clean and jerk at sa total weight lifted sa women’s 53 kilogram na ginanap sa George R. Brown Convention Center sa Houston upang masiguro ang kanyang ikatlong pagbabalik sa Olympic Games matapos unang sumabak noong 2008 Beijing at 2012 London Olympics.
Nasungkit ni Diaz ang silya sa 2016 Rio Olympics sa binuhat nito na 96kg sa snatch event at 117kg sa clean and jerk para sa kabuuang 213kg.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.