CALASIAO, Pangasinan—Isa sa pinakamatatandang tradisyon tuwing Undas sa Gitnang Pangasinan na kinatatakutang mawala na ay ang Cantores.
Ilang residente na nakasuot ng pamburol ang magsasama-sama para manapatan sa bahay-bahay sa kanilang lugar tuwing All Saints’ Day at All Souls’ Day para kantahan ng “Pantawtawag” (Calling).
Ang tawag sa kanila ay “cantores”.
Pagkatapos nilang kumanta, karaniwan sila ay iniimbitahan sa loob ng bahay para kumain ng “inlubi” (black rice cakes), fried rice flakes na merong caramel at iba pang uri ng biko o bibingka.
Ayon sa isang Pangasinan historian na si Restituto Basa, may mga bahay na nag-aabot ng pera. Pero kahit nabigyan na sila ng pera ay tinatangay pa rin nila ang mga manok na alaga ng may bahay. Ginagawa nila ito in the spirit of fun.
Ang tawag dito ay “panagkamarerwa” na galing sa salitang Pangasinan “kamarerwa” o kaluluwa.
Sa mga Tagalog, ang tawag dito ay “nangangaluluwa”.
Ayon sa isang paring Katolika, ang panagkamarerwa na ginagawa ng mga cantores ay matagal nang tradisyon sa Pangasinan. Dito, sinasamantala ng mga cantores, na nagbibihis mga patay, ay magtutungo sa bahay-bahay at kukunan ng maliliit na bagay nang patago.
Hindi na ito iniinda ng mga nawawalan at sinasabing tinangay lang ang kanilang gamit ng mga kaluluwa.
Maikukumpara ito sa tradisyon ng mga Kanluranin na “trick or treat”.
Pero ngayon ay unti-unti na itong namamatay dahil maraming mga Pinoy ang mas naeenganyong mag-trick or treat.
Matagal nang tradisyon ang kamarerwa sa mga bayan ng Calasiao, Malasiqui, Bayambang, Sta. Barbara, Mapandan, Basista, Manaoag, San Fabian, San Jacinto, Binmaley, Lingayen, Bugallon, Urbiztondo, Aguilar, Mangatarem and Labrador, at mga syudad ng Dagupan at San Carlos.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.