NITONG nakaraang linggo, hindi lamang halos araw-araw ay nagkakaroon ng aberya sa operasyon ng Metro Rail Transit 3 (MRT3), kundi umabot ng dalawang beses sa isang araw ang pagkakadiskaril ng mga tren nito.
May biruan na nga na hindi na balita kung ang anggulo ay ang pagkakadiskaril ng MRT. Mas balita pa kung hindi nasira ang MRT sa isang buong linggo.
Dahil sa sanay na ang mga Pinoy sa balita tungkol sa pagsira ng MRT, hindi tuloy maiwasang isipin ng marami na dapat bang tanggapin na lamang ang masakit na katotohanan na wala nang pag-asang tumino nito kayat parang sumuko na ang mga pasahero na magkakaroon pa ng pagkakataong mabago ang serbisyo sa MRT.
Iba ang namamahala sa operasyon ng Light Trail Transit at MRT kayat hindi kataka-taka na hindi hamak na maganda ang serbisyo ng LRT kumpara sa MRT.
Kung nagagawa ng LRT na mapaganda ang serbisyo nito, bakit hindi kayang magawa sa MRT?
Mas maraming sumasakay sa MRT kayat mas maraming apektado sakaling nagkakaroon ng aberya sa operasyon nito.
Nabatikos ang pamunuan ng MRT at Department of Transportation noong panahon ng nakaraang administrasyon dahil sa masamang serbisyo ng MRT kayat nang umupo ang kasalukuyang gobyerno, nagkaroon ng pag-asa ang marami na gaganda na ang serbisyo nito.
Ngunit sa halos dalawang taon na ng pagkakaupo ng mga bagong namumuno, ang masaklap na katotohanan pa rin ang bumubulaga sa mga pasahero nito.
Hindi pa rin nawawala ang aberya sa mga tren at libo-libo pa ring pasahero ang apektado sa tuwing nagkakaroon ng diskaril sa operasyon ng MRT.
Dapat ay bigyan ng ultimatum ang mga namumuno sa MRT at maging sa DOTr para matugunan ang problema ng mass transport system.
Kung hindi kasi kayang matugunan ng mga namumuno ngayon ang problema sa MRT, dapat ay aminin na lamang nila at magtalaga ng mga bagong opisyal na may kakayahang masolusyunan ang problema sa operasyon nito.
Hindi porket nasanay na ang mga pasahero sa araw-araw na pasakit ng napakahabang pila tuwing rush hour at sabayan pa ng aberya, ay makukuntento na lamang ang pamahalaan na hindi tugunan ang problema.
Malapit sa bituka ng tao ang MRT at LRT dahil ito lamang ang kaya nilang klase ng transportation para makapasok ng mas mabilis sa kani-kanilang trabaho at pupuntahan sa harap naman ng teribleng trapik sa EDSA, at kaya ng kanilang bulsa.
Uso man ang Uber at Grab sa marami ng mga Pinoy, mas marami pa rin ang nagtitiis na hindi mag-taxi o gumamit ng Uber at Grab dahil sa napakamahal pa rin na singil dito, na katumbas o mas mahal pa kung tutuusin sa halaga ng arawang sweldo ng mga minimum wage earners.
Ang MRT pa rin ang pinakamabisa at pinakamurang transportation pa rin sa nakakaraming Pinoy kayat nararapat lamang na magdoble kayod ang mga nakaupo na mapaganda ang serbisyo nito kahit papaano at hindi ang pag-aanunsiyo na lamang araw-araw tungkol sa pagkaaberya nito ang tutukan.
Pamunuan ng MRT at DOTr, hoy gising!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.