MALAKING bagay talaga si CJ Perez sa Lyceum Pirates at ito ay kitang-kita ng lahat sa kasalukuyang 93rd season ng National Collegiate Athletic Association (NCAA) men’s basketball tournament.
Dahil sa kanya ay na-sweep ng Pirates ang 18-game elimination round at dumiretso na sila sa championship round.
Naungusan ng Pirates sa double overtime ang defending champion San Beda Red Lions noong Huwebes. Sa pagkatalo ng Red Lions ay nagtapos sila nang may 16-2 at wala silang twice-to-beat advantage sa semifinals na stepladder ang magiging format.
Sino ba naman ang mag-aakalang makakakumpleto ng sweep ang Pirates ni coach Topex Robinson? E, noong nakaraang season ay hindi man lang sila nakarating sa Final Four.
Kahit siguro si Robinson ay hindi pinangarap ang sweep bago nagsimula ang season. Ang totoo niyan, hanggang sa matapos ang first round ay wala sa isip ng Pirates ang sweep. Naramdaman na lang nila ang pressure sa dulo ng elims nang mapanatili nilang malinis ang record hanggang sa rebanse nila ng San Beda.
So ngayon ay nakapasok sa Finals ng NCAA ang Lyceum sa kauna-unahang pagkakataon buhat nang maging miyembro ng liga.
At ngayon, marami nang nagsasabing nakakapanghinayang talaga si Perez.
Si Perez ay nagsimula ng kanyang senior basketball sa San Sebastian Stags sa ilalim ni Robinson. Very promising ang kanyang career.
Pero matapos lang ang isang season ay ginulat niya ang lahat nang siya ay lumipat sa Ateneo sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP).
Siyempre, hindi siya agad nakapaglaro dahil kinailangan pa niya ang isang taong residence. Ang siste ay hindi yata siya lumusot sa residence at tuluyang hindi nagamit ng Blue Eagles.
Kaya noong nakaraang taon ay muling lumipat siya ng eskuwelahan at nagkaroon sila ng reunion ni Robinson na nalipat na rin sa Lyceum.
So bale dalawang taong nahinto sa paglalaro si Perez bago tuluyang nakabalik sa hardcourt. Ang tagal ng paghihintay, hindi ba?
Nanghihinayang ang Blue Eagles. Biruin mong kung nasa kanila si Perez, baka nagkampeon sila noong nakaraang UAAP season at hindi nawalis ng La Salle Green Archers.
Pero Ateneo’s loss is Lyceum’s gain.
Ngayon ay dalawang panalo na lang ang kailangan ng Pirates upang makumpleto ang historic season nila at maiuwi ang kanilang kauna-unahang NCAA title.
At kung saka-sakali ay makakaulit pa sila dahil sa hindi pa aakyat sa Philippine Basketball Association si Perez kahit pa marami nang nanliligaw sa kanya.
Minabuti niyang manatili sa Lyceum at matulungan pang mamayagpag ang Pirates. Na siyang tama.
Ang Lyceum ang sumalba sa kanyang career e.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.