MAHIGIT 20 taong nagtrabaho sa abroad si Antonio, may asawa at limang mga anak mula sa Mindanao.
Masipag at tapat na OFW si Tonyo. Tapat hindi lamang sa trabaho kundi maging sa asawa at kanyang pamilya. Hindi ito nagloko sa loob ng maraming mga taon na wala sa tabi ni misis.
Tanging hangad niya ang makapagtapos sa pag-aaral ang mga anak. Kaya naman kumpleto ang sahod kung magpadala kay misis. Panay rin ang overtime niya at suma-sideline pa para lang madagdagan ang kinikita.
Hindi naman nabigo si Tonyo. Unang nakatapos ang panganay na anak at nakasakay agad ito ng barko. Inter-island daw muna saka nakakuha ng magandang puwesto sa isang passenger vessel.
Sumunod na nagtapos ang ikawalang anak na babae. Nurse naman ito. Matagal-tagal itong nabakante dahil sa pahirapan din naman ang trabaho sa mga nurse sa Pilipinas, pero nakaalis din ito at nakapagtrabaho sa isang ospital sa Asya.
Hindi pa man nagtatagal, nabuntis ito sa abroad kaya bumalik ng Pilipinas nang hindi natapos ang kontrata. Bumalik sa kanilang bahay ang anak hanggang sa makapanganak ito. Wala itong trabaho kaya sagot pa rin ni Tatay ultimo pang-gatas at iba pang mga gastusin ng apo.
Kursong Information Technology o IT naman ang tinapos ng ikatlo. Nagtatrabaho ito ngayon sa Pilipinas pero mabarkada ito at pang-sarili lamang ang lahat ng kaniyang kinikita. Halos nalibot na nito ang buong bansa pati na rin ang malalapit na bansa sa Asya. Baon ito sa utang dahil sa kakagamit ng kanyang credit card. Nakikipagsabayan sa gastusan sa mga barkadang mayayaman.
Ang ika-apat at ikalimang anak ay hindi na nakapagtapos ng pag-aaral dahil maagang nagsipag-asawa.
Kaya tanging ang panganay na lamang na seaman ang inasahan ni Tonyo. At hindi naman siya nagkamali. Dahil nakiusap itong umuwi na ang ama at siya naman daw ngayon ang mag-aalaga sa kanila ng kaniyang nanay.
Tuwang-tuwa si Tonyo. Matagal na rin niyang gustong umuwi ngunit pinanghihinaan ito ng loob dahil wala naman siyang trabahong dadatnan sa bansa bukod sa may edad na rin naman siya.
Tumupad sa pangako ang anak na seaman. Ngunit nakakatatlong sakay pa lang ito ng barko nang atakihin sa puso. Maraming kumplikasyon ang sakit nito.
Parang binagsakan ng bomba si Tonyo dahil hindi na muling makasasakay ng barko ang anak at ngayon ay alagain pa dahil kailangan nito ng mahabang gamutan.
Ngayon ay nagbabalak na muling magbalik OFW si Tonyo dahil alam niyang wala namang ibang aasahan ang kanyang pamilya kundi siya lamang.
Malungkot man ngunit hiling niya na pagkalooban siya ng mabuting kalusugan dahil may edad na rin naman umano siya at umaasang kakayanin pa ang muling pagtatrabaho sa abroad.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: [email protected]/ [email protected]
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.