Paslit patay, 1 pa sugatan sa pagsabog sa Zambo Sur
John Roson - Bandera October 03, 2017 - 06:27 PM
Nasawi ang 3-anyos na bata at isa pa ang nasugatan nang sumambulat ang di pa mabatid na uri ng pampasabog sa Dimataling, Zamboanga del Sur, Lunes ng hapon, ayon sa pulisya.
Dinala na sa ospital ang sugatang bata, na edad 3 din, para malunasan, ayon sa ulat ng Zamboanga Peninsula regional police.
Naganap ang pagsabog dakong alas-3:30, habang naglalaro ang mga bata sa bahay ng kanilang tiyahin sa Purok 11, Brgy. Poblacion.
Sinabi sa pulisya ni Genalyn Vallecer, tiyahin ng mga bata, na abala siyang nagtataga ng kawayan nang makarinig ng pagsabog mula sa direksyon ng mga pamangkin.
Lumabas sa imbestigasyon na pinaglaruan ng mga bata ang pampasabog sa silong ng bahay.
Pinaniniwalaang natagpuan nila ang pampasabog malapit sa bahay, at pinukpok ito ng bato, ayon sa ulat.
Nakatagpo ang mga rumespondeng pulis ng maliliit na piraso ng aluminun sa pinangyarihan at ipinadala na ang mga ito sa crime laboratory upang malaman ang uri ng pampasabog.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
What's trending