MAGANDANG gabi po, Ateng Beth.
Hihingi po sana ako ng advice tungkol sa nobya ng kapatid ko. Hindi ko po kasi siya gusto para sa kapatid ko.
Siya po ay matanda sa kapatid ko ng tatlong taon. Hindi po kami magkasundo kasi naiinis talaga ako sa kanya kapag nakikita ko siya. Binibigyang pansin kasi siya ng kuya ko at palaging sinusunod. At isa ko pa pong ikinaiinis ‘yung sinasabi po ng mga tao sa akin na: “Iyan ba ang nobya ng kuya mo? Ang baghak tingnan at isip-bata.” Kaya nagagalit ako kasi napapahiya ‘yung kuya ko.
Ano po ba ang dapat kong gawin?
J-Ann ng Jaro, Iloilo.
Hello, J-Ann,
Sa advice na hinihingi mo – BACK OFF, ATE!
Anong problema na matanda ang girlfriend sa kuya mo? Hindi ba kuya mo naman ang gumusto sa kanya, so ibig sabihin, aware si kuya na matanda si GF kaysa sa kanya. Kung sa kanya walang problema, bakit ikaw namomroblema? Basag trip, teh?
Anong problema na hindi kayo magkasundo? Ikaw ba ang nanay ng kuya mo na kailangan niyang pakisamahan? Naiinis ka kapag nakikita mo siya? Pwes, ipikit mo mga mata mo! Nakakainis pa rin, di ba? So ibig sabihin ikaw talaga ang may problema kasi kahit nakapikit ka o nakamulat, naiinis ka!
Binibigyang pansin siya ng kuya mo? Malamang! GF siya, e! Pag ikaw binigyang pansin ng kuya mo, yari ka, malamang mainis din siya sa iyo!
Sa sinasabi ng tao, kuya mo ba ang napapahiya o ikaw? Kasi kung napapahiya ang kuya mo, dalawang bagay pwede niyang gawin – tiisin ang pagkapahiya dahil mahal niya ang girlfriend niya o makipag-break. So, dahil di sila nagbe-break, dalawang bagay din – nasa isip mo lang pagkapahiya o mahal talaga ni kuya si GF.
Kaya ang dapat mong gawin, J-Ann, back off! Until matuto kang tanggapin na ‘yan ang choice ng kuya mo; na kuya mo ang makikisama at hindi ikaw; na buhay at love life ‘yan ng kuya mo at hindi sa iyo. Siguro naman ayaw mong pakialaman din ni kuya o ninoman ang choice mo, hindi ba?
P.S. Ano nga pala ‘yung baghak?
Ateng Beth
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.