PARANG paulit-ulit na ang balita sa mga nasasawi sa hazing kahit may Anti-hazing Law noon pang 1995 na nagpa-pataw ng “life imprisonment” sa mga convic-ted.
Pinakaunang nasawi sa hazing si Gonzalo Mariano Albert ng Upsilon Sigma Phi noong 1954 kung saan bumuo pa ng komite si Pres. Ramon Magsaysay para mag-imbestiga.
Pinakahuli itong si Horacio Castillo III ng Aegis Juris-UST na iniwang maraming pasa sa katawan at naghihingalo ng kanyang mga ka-brod sa isang kalye sa Tondo, Linggo ng umaga.
At siyempre , katakut-takot na imbestigasyon ang nangyari, tugisan sa mga frat officials, at pagbatikos sa UST College of Law na dapat sana’y nagtuturo ng batas at tumutupad sa Anti-Hazing law. Ganoon din ang kwento, bata pa ang biktima, maraming pangarap na walang-awang pinatay ng kanyang mga ka-brod.
Bakit kailangang sumali sa frat ang law student? Sa totoo, napakalaking tulong talaga ang frat bilang estudyante, mula group studies, bar-ops, hanggang bar exams at koneksyon sa trabaho kapag nakapasa o kahit hindi nakapasa. Ika nga, hindi problema ang trabaho, negosyo dahil sa tulungan ng ka-brod.
Ang pinakamalaking kaso ng hazing ay noong 1991 kay Lenny Villa ng Aquila Legis ng Ateneo sa Caloocan kung saan 35 frat members ang kinasuhan ng “homicide beyond reasonable doubt”. Pero November 1993, 26 lamang dito ang “convicted” kay Caloocan RTC judge Adoracion Angeles. Noong 2002, pinawalang sala naman ng Court of Appeals ang 19 sa 26. At nitong 2012, lima sa akusado ay hinatulan ng Korte Suprema na guilty sa “reckless imprudence resulting in homicide” na may kulong na apat na buwan hanggang apat na taon at P1 milyong bayad pinsala. Isipin niyo, 1991 napatay si Lenny Villa, 2012 o nakalipas ang 21 taon bago nagkaroon ng hustisya.
Ano naman kaya ang nangyari sa mga kasong naganap matapos maipatupad ang Anti-Hazing law noong 1995?
Sa aking bilang, si Atio Castillo ang pang-26 na biktima simula nang isabatas ito 17 taon na rin ang nakakalipas. At sa ating pagsusuri, iisa pa lamang sa dinidinig na 25 kaso ng ha-zing ang may “conviction” sa ilalim ng bagong batas .
Ito’y sa 2015 Supreme Court ruling sa pagpatay noong 2006 kay Marlon Villanueva ng Alpha Phi Omega (APO) sa UP Los Banos. Hinatulan ng SC sina Dandy Dungo at Gregorio Sibal Jr ng APO ng kulong na 20 taon isang araw, hanggang 1 araw hanggang 40 taon. Ito’y matapos ang siyam na taong paglilitis ng kaso.
Samakatuwid, parang binabalewala pa rin ng mga unibersidad at mga fraternities ang “1995 Anti-Hazing law”. Sa halip na mabawasan ang mga biktima ay nadagdagan pa ng 26 kabilang na si Atio Castillo. Marahil, ang bagong pangyayari ang gigising sa mga hukom o mahistrado ng Korte para aksyunan na ang mga nakabimbin nilang kaso.
Isipin niyo, 21 years ang hustisya kay Lenny Villa, siyam naman kay Marlon Villanueva. Panahon na para matigil na ang nakamamatay sa hazing at magtrabaho naman ang hudikatura para marami pang mga nagkasalang ka-brod ang maparusahan!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.