Sikat na female celebrity kumakain sa turu-turo at namimili sa mga tiangge
SA isang bansa na malapit lang sa Pilipinas dumadayo para mag-shopping ang isang pamosong female TV personality. Pero maraming Pinoy sa pinupuntahan niyang bansa.
Gusto kasing makatipid ng babaeng personalidad sa pamimili ng kanyang mga pangregalo, malaki ang diperensiya ng presyo nu’n kesa sa dito sa atin, kaya nawiwili siyang dumayo sa nasabing bansa.
Dahil maraming Pilipinong nagtatrabaho sa lugar na sentro ng pamilihan sa bansang ‘yun ay maraming nakakakilala sa kanya. Aliw na aliw sa kanya ang ating mga kababayan dahil hindi raw siya nagpapakasosyal.
Kuwento ng aming source, “Magaling siyang buyer. Para malaki ang diskuwento niya, bulto siya kung mamili. Maramihan talaga dahil ganu’n sa lugar na pinupuntahan niya. Wholesale ang uso du’n!
“Bukod sa presyong ibinibigay sa kanya, e, magaling siya sa tawaran. Palibhasa, magaling siyang mag-English, nagkakaroon siya ng communication sa owner ng store.
“Kapag hindi naman mahusay sa English ang trader, nakikisuyo siya sa isang Pinoy na i-interpret ang mga sinasabi niya. Okey naman ang tawad niya kaya ibinibigay rin sa kanya ang presyo,” tawa nang tawang kuwento ng aming impormante.
Hindi siya nagpapakasosi kahit pa sikat siya dito sa Pinas. Simpleng-simple lang ang kanyang itsura, isa lang ang kasama niyang alalay, kung saan-saan siya nakapag-iikot.
“Kumakain kaya siya sa mga turu-turo? Mismo! Hindi siya sosi, sa mga tabi-tabing kainan lang siya lumalafang, ang importante lang, e, malinis ang lugar. Kung tutuusin, e, puwede naman siyang kumain sa mga kilalang restaurant du’n, pero hindi niya ginagawa.
“At hindi siya patagu-tago sa pag-iikot niya, ha? Hindi niya ikinahihiya na du’n siya namimili ng mga pangregalo niya, bakit ba? Kung ang ibang artista, e, sa mga shopping malls namimili, siya talaga, sa mga lugar na bagsakan siya nag-iikot!
“Naku, Bradly Guevarra at Tita Nene Ulanday, handa na ba kayong manghula kung sino ang sikat na female TV personality na ito? Getlak n’yo na kung sino siya?” pagtatapos ng aming source.
q q q
Sinasabi na nga ba. Sa unang gabi pa lang ng kanilang engkuwentro ay lumuhod na agad ang mga tala sa Ang Probinsiyano. Malayo ang numero!
Paano naman tatalunin sa rating ng kahit anong serye pang tatapat sa kanila ang pinagbibidahang palabas ni Coco Martin? Ngayon pa bang pagkaiinit na ng mga tagpo sa serye?
‘Yung episode nu’ng Lunes nang gabi kung saan itinakas ni Ricardo Dalisay ang dalawang kasamahan niyang bihag ng Pulang Araw ay parang isang bonggang action movie na ang katulad sa mga eksenang ipinamalas ng Ang Probinsyano.
Grabe ang bakbakan sa pagitan ni Dalisay at ng traydor na grupo ni Alakdan (Jhong Hilario na nagbubuo na ng sarili nitong grupong makakalaban ng Pulang Araw). Matindi ang mga putukan, makapigil-hininga ang mga eksena, paano naman tatalunin ng anumang programa ang serye ni Coco Martin?
Mukha ng ating lipunan ang daloy ng istorya ng Ang Probinsyano. Kung ano ang nagaganap sa ating bayan ang mapapanood nila sa kuwento ng palabas. May mga sinserong lingkod-bayan, may mga traydor, tulad ng mga nagaganap sa ating pamahalaan.
Kaya lumipad man nang lumipad at makipagbakbakan ang bumibida sa katapat nilang palabas ay walang pangako ng tagumpay ‘yun. Ang serye pa rin ni Coco Martin ang hinahanap ng mga mata at sikmura ng ating mga kababayan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.