“Sinusundan ko ang bawat laro
Ng koponan kong naghihingalo
Sa bawat bolang binibitaw
Di mapigilang mapapasigaw
Kahit hindi relihiyoso
Naaalala ko ang mga santo
O San Miguel, Santa Lucia
Sana manalo ang Ginebra”
LSS ba? Kung ikaw ay diehard fan siguradong alam mo ang awiting ito ng singer-songwriter na si Gary Granada na alay para sa Barangay Ginebra.
Sa Pilipinas, na tila relihiyon ang turing sa basketball, walang duda na ang koponang ito ang pinakasinasamba mula noong dekada ‘80 hanggang ngayon.
Kahit saan ka magpunta kapag may laban ang Ginebra—maging sa Big Dome man, bahay, opisina, karinderya, pila ng traysikel, o kahit saang umpukan pa iyan saan mang dako ng Pilipinas mula Luzon, Visayas o Mindanao —ay tiyak na hindi mapipigil sa paghiyaw ng GI-NEBRA, GI-NEB-RA, GI-NEB-RA! ang mga masusugid na deboto nito. May mga biruan pa nga na kapag panalo ang Ginebra ay parang fiesta o nanalo sa lotto, at kapag talo naman, ay nakakawalang gana kumain at mainit ang ulo.
Sa paglipas ng panahon, patuloy na binibihag ng Ginebra ang puso ng milyun-milyong Pilipino mapa-bata man o matanda, mahirap man o mayaman, mapa-babae man, lalaki o LGBT dahil sa bawat laro ay nag-uumapaw ang suporta nila. Marami na ring fans club o grupo ang nabuo dahil sa labis na pagmamahal kaya hindi na katakataka na nagkaroon ng ultimate fandom ang Ginebra na lumahok sa Philippine Basketball Association noong 1979.
Malaking salik rin kung bakit lubhang nakatatak na sa kulturang Pinoy ang pagiging Ginebra fan ay dahil na rin sa impluwensya o naipamana ito ng mga nakatatandang kaanak sa bahay.
“Unang-una, eto ang koponan na minahal ng aking ama. Bata pa lamang ako ay Ginebra na ang sinisigaw sa aming tahanan, unti-unti ay minahal ko na ang koponang ito hanggang ngayon. Pangalawa, iba yung nadudulot na saya ng Ginebra. Manalo man o matalo, manood ka man ng live o sa bahay man, parte na siya ng pagkatao mo. Naaapektuhan din ang mood mo kung natalo sila. Madali ka mainis kapag talo sila.
Para ka namang nasa ulap kapag panalo sila,” sabi ni Charo Ann Francisco, isang guro at miyembro ng Familia Ginebra, isa sa maraming fans club ng pinakatanyag na ballclub sa bansa.
“Pangatlo, sobrang marami ang nagmamahal sa Ginebra kaya mas lalo mo rin silang minamahal. Yung pagsigaw sa Araneta kasama ang milyong-milyong fans ay sobrang kakaiba sa pakiramdam kasi iisa kayo ng koponang sinusuportahan. Basta, walang buhay kapag walang Ginebra,” tugon pa ng binibini.
“Dahil ang Ginebra ay kasama na sa pamana ng pamilya sa atin na sinimulan ng ating mga lolo at tatay o ng mas mga nakakatanda sa atin kaya sa paglipas ng panahon Ginebra pa rin ang paborito,” ani Chito Pancho na kasapi rin ng nabanggit na grupo.
Ang liriko ng kantang “Kapag Nananalo ang Ginebra” na isinulat ni Granada noong 1997 ay inawit ni Bayang Barrios. May bersyon rin nito na “Kapag Natatalo ang Ginebra” na si Gary G. mismo ang kumanta.
Ang mga kathang ito ay patungkol sa bawat laro ng Ginebra na manalo man o matalo ay patuloy na nasa kanilang likod ang mga tapat na ’kabarangay’.
Nang magkampeon ang Gin Kings sa 2008 PBA Fiesta Conference ay muling lumikha ng awit si Granada bilang pagpuugay sa koponan, ang ’Dugong Ginebra’.
Makalipas ang walong taon, gumawa ng bagong bersyon si Maria Gracia Gonzales, ang ’Sana Manalo ang Ginebra’, kung saan ipinapanalangin niya na magkampeon na ang Ginebra na ’di kalaunan ay natupad matapos wakasan ng Ginebra ang walong taong tagtuyot sa titulo nang talunin ang Meralco Bolts sa Games 6 ng 2016 PBA Governors’ Cup Finals.
Agad na naging viral sa online world ang katha ni Gonzales na tumabo ng milyong views at libo-libong likes at shares sa social media.
Nabigyan rin ng pagkakataon ang binibini na mabisita sa dugout ang mga players ng koponan bukod pa sa pag-perform sa halftime ng Game 5.
Siguradong hindi lang si Gary at Maria Gracia ang may ganitong kwento, dahil tiyak na ang bawat fan na sumusubaybay sa Ginebra ay mayroong memorabilia o natatanging istorya kung bakit nila ito paborito.
“Fan ako ng Ginebra dahil yun ang pinakasikat na team dito sa pinas. Yung Ginebra kasi nakakaexcite panoorin every game. Kumpletos rekados kumbaga. Makikita mo rin sa mga fans, loyal eh. Tsaka gusto ko sa kanila may connection sila sa mga fans nila,” sabi ni Louigi Diaz na aminadong diehard mula pa pagkabata.
Kahit nagpapalit-palit pa nga ito ng pangalan at nagsipag-retiro na ang mga manlalarong bumuo ng ‘Ginebra fever’ ay hindi bumibitaw ang madla hanggang sa bagong henerasyon ng mga manlalaro nito.
Patunay nito si Michael Edward de Castro na 1993 pa lang ay loyal kabarangay na. “Kasi yung father ko mga lolo lola buong family ko Ginebra na sinasama kami sa Araneta, sa Ultra. Kasi siyempre na-influence ako ng parents ko kaya kahit magbago pa ng player diehard pa rin,” aniya.
Para naman kay Dan Allan Hernandez na isa ring true blood Ginebra fan: “Gusto ko yung Ginebra hindi dahil sa most popular team sila sa PBA, kundi dahil naglalaro sila hindi lang din para sa career kundi para sa mga fans. Every time na maglalaro sila palagi akong nanonood dahil isa ako sa mga diehard fan nila simula pa lang sa “bandana brothers’ (Caguioa at Helterbrand) hanggang ngayon iniidolo ko pa rin sila,” aniya.
Tulad ni Dan, ang tandem ng ’The Fast and the Furious’ ang dahilan kung bakit minahal ni Mic Miran ang Ginebra. “Basketball lover kasi ako. That time nagustuhan ko yung Ginebra kasi sobrang ganda ng tag team ni Mark and Jay Jay. Dun ako nag start maging favorite sila.”
Maging ang mga ’millenials’ ay todo kampi sa Ginebra.
“Yung mga lolo ko po kasi dati talagang Ginebra fan sila and dati wala akong pakialam sa team but nung nag-start na ako manood dahil sa mga kuya ko, tito ko dun na ako naging fan,” kwento naman ng 15 taong gulang na si Maxilene Joyce de Castro na miyembro ng ’Solid Ginebra No Haters’ group.
Saad naman ni ‘Admin Tan’, 18-anyos ng Team NSD, “Father ko kasi diehard fan kaya namana ko na. Iba yung dating ng Ginebra manalo, matalo doon mo makikita yung parang isang pamilya.”
Ang kasikatang tinatamasa ngayon ng Ginebra ay hindi mangyayari kung hindi sa isang alamat na nakaukit na ang pangalan sa kasaysayan ng Philippine basketball.
SI JAWORSKI AT ANG ‘NEVER SAY DIE’ SPIRIT
Masasabing si Robert “Big J” Jaworski ang matibay na pundasyon kung bakit naging matatag na haligi ang Ginebra sa local basketball scene.
Nang ma-disband ang Toyota ay lumipat sa Ginebra si Jawo kasama ang backcourt partner na si Francis Arnaiz. Sa pagkakalipat ni Jawo ay unti-unting lumikha ng ingay ang Ginebra at di naglaon ay narating ng koponan ang estado bilang pinakamakinang na bituin sa PBA.
Noong Oktubre 22, 1985, sa isang laro kontra Northern Consolidated Cement, nasiko sa labi si Jaworski ni import Jeff Moore sa dulong bahagi ng second quarter. Dinala siya sa kalapit na Medical City upang gamutin ang sugat na nagresulta ng pitong tahi. Hindi nagpatinag si Jaworski sa nangyari bagkus ay bumalik siya sa bench at pagdating ng fourth quarter kung saan lamang ang NCC ng 15 patungo sa huling pitong minuto, pumasok sa sahig si Jaworski na siyang nagpatindig balahibo, nagdulot ng palakpakan at sigawan mula sa mga fans. Nakahabol ang Ginebra at tinalo ang gulat na gulat na NCC matapos umiskor ng come-from-behind victory.
Dito nag-umpisa ang ‘never say die’ mantra na naisalin ng naisalin hanggang sa maging opisyal na kasabihan ng koponan. Mula noon, ika nga nila, the rest is history. Maging ang kanilang mga tagahanga ay dito humuhugot ng lakas at inspirasyon na kanilang baun-baon sa pagharap sa mga pagsubok ng buhay.
“Siguro ang aral sa buhay ko e yung dumapa ka. Pero bumangon ka para tuparin yung mga pangarap mo, ‘yung ang natutunan ko sa Ginebra” dagdag ni Mic.
“Naa-apply ko ‘yung never say die attitude sa mga hamon sa buhay ko, kahit anong problema ang dumating huwag susuko,” ayon naman kay Charles Ayala.
“Paborito ko ang Ginebra dahil sa ‘NSD Spirit’ na kanilang pinapamalas, na kahit parang imposible at mahirap kaya pa ring manalo basta magtiwala ka lang at wag susuko. Sa laro man o sa totoong hamon ng buhay,” sabi ni April Cruz ng Familia Ginebra.
Maikukunsidera na ang pang-masang karisma ni Jaworski ang dahilan kung bakit naakit ng Ginebra ang simpatya ni Juan at naging ‘crowd darling’ ito magpahanggang ngayon.
“Gusto ko sila kasi dahil sa charisma sa tao, nagsimula yun kay Big J Sonny Jaworski pa. Sa kanilang paglalaro hindi sila sumusuko kaya nga binansagan sila na never say die. Kahit na naospital si Jawo at tinahi ang napakalaking sugat sa ay naglaro muli para lamang sa fans at naipanalo ang laro dahil sa pagpupursige at katatagan. Dahil dun kaya ako humanga ng husto sa Ginebra hanggang kina Dondon Ampalayo at Loyzaga brothers, Marlou Aquino, Bal David, Noli Locsin at Vince Hizon at hanggang kina Mark at Jay Jay. Naisunod ko pa nga ang pangalan ng anak ko na lalaki dahil sa paghanga ko kay Helterbrand. Gusto ko rin sina Greg Slaughter, Japeth Aguilar, LA Tenorio. Ngayon labis ang paghanga ko Kay Scottie Thompson,” kwento ni Melchor Santos na tatlong dekada nang tutok sa Ginebra.
“Ever since Toyota pa kay Jawo na, kasi family namin diehard tapos nung lumipat siya ayun Ginebra na,” ani Michael Astejada na labis ang paghanga kay Jawo noon pa man. Inalala rin niya ang pinakahindi malilimutang tagpo sa tagal na panahong pagsubaybay sa paboritong koponan. Ito ang winning shot ni Rudy Distrito sa Game 7 ng Finals kontra Shell noong 1991 First Conference.
Lumamang ng 3-1 sa serye ang Shell pero sa tulong ng madla ay umahon ang pinakasikat na koponan ng PBA tungo sa pagsungkit ng korona. Ang larong ito na marahil ang isa sa mga pinakamemorableng comeback series sa kasaysayan ng liga.
Sariwa rin sa alaala ni Regine Gomez, na nagsimulang maging fan 12-anyos pa lamang, ang pinakamasayang karanasan sa panonood. “Since birth Ginebra na ako dahil kay Jawo, pati mommy ko at daddy ko. May time pa nga na sumama ako sa isang out-of-town game sa Bacolod. Higit pa siya sa isang team, parang pamilya na.”
Nakapanayam ng BANDERA si Dr. Jimmuel Naval, Philippine Studies at Philippine Pop Culture expert at propesor ng Philippine Literature sa UP Diliman upang alamin ang ugat kung bakit ganoon na lamang ang pagkahumaling ng mga Pilipino sa kanilang mga idolo tulad na lang ng epekto ni Jaworski at ng Ginebra.
“Nagstart kasi ang hilig ng Pinoy sa basketball nung 1950s during Carlos Loyzaga tapos mas dumami ang
fan nung 70s, MICA days. Then 80s nung pumasok si Jaworski sa PBA. Tinitignan kasi natin yung mga player bilang idol or local hero,” paliwanag ni Dr.Naval.
“May fan mentality sa basketball kagaya sa showbiz dahil napapanood natin sila sa tv. Kapag nagtiwala tayo binubuhos hanggang dulo, di tayo balimbing sa mga iniidolong players. May loyalty tayo na kapag nasimulan na ay di na bibitaw malaos man susuportahan natin hanggang dulo.”
Ang ganitong pag-uugali, giit pa ni Dr.Naval ay bunga ng paniniwala ng ating mga ninuno sa iba’t ibang panahon sa kasaysayan ng bansa.
“Nagsimula ang ating ganung pag-uugali mula pa nung pre-colonial period kung saan ang ating mga ninuno ay sumamasamba sa mga anito, bato, puno, kalikasan hanggang sa dumating ang mga Kastila kung saan naging deboto naman tayo ng mga santo tulad ni Sto.Niño at iba pang rebulto at sobra ang ating pag-idolo sa mga ito dahil sa paniniwalang malaki ang naitutulong ng mga ito upang guminhawa ang buhay. Nung panahon ng mga Amerikano naniwala tayo sa kanila dahil sa mga kwento ng giyera sa mga pelikula, na kayang lumaban at manal, ” aniya.
“Masyado tayong panatiko, parang kulto regardless kung anuman ang sinusundan natin, ’di tayo mababaklas sa ganung paniniwala. Normal yun sa bansang agrikultural gaya ng Pilipinas.”
Pinagtibay rin ni Dr.Naval na ang pagkahilig ng mga Pinoy sa Ginebra, gaya ng mga nakapanayam ng BANDERA, ay dulot nang impluwensya o naipamana ng mga nakatatanda lalo na ang lolo o tatay na natural sa pamilyang Pilipino.
“Sa ating nakagisnan, kung ano ginagawa ng nakakatanda yun din ang susundan mo, most of the time kasi like tatay siya yung powerful sa bahay kaya naiimpluwensyahan ka sa mga ginagawa mo. Merong hierarchy.”
“Sa kaso ni Jaworski, nakita kasi natin siya na tumanda sa basketball, mukhang tatay, mukhang magulang, parang foster father siya na gumagabay sa mga anak niya, which is yung mga Ginebra fan kaya siya sinundan ng mga tao.”
Salaysay pa ni Dr.Naval, nakita ng mga Pinoy ang katatagan at katapangan ni Jaworski na pamunuan ang Ginebra sa gitna ng mga pagsubok na nagbigay inspirasyon at pag-asa na kanilang naisasabuhay.
“Nagsimulang mas mahalin ng tao ang Ginebra nung dumating si Jaworski sa Ginebra, lalo na nung bumalik siya sa isang game (laban sa NCC) kahit na dinala siya sa ospital at tinahi ang sugat niya. Isa pa ay nung nakabangon sila from a 1-3 deficit sa championship series kontra Shell noong 1991 kung saan nagkampeon ang Ginebra.”
Ang ipinamalas na giting at di matatawarang leadership ni Jaworski sa hardcourt ang siyang nakagayuma sa kaniyang mga tagahanga upang hindi agad sumuko sa mga hamon ng buhay.
“Yung ganung ugali, nakaakit sa mga fans. Para kasi kay Jawo, habang may oras pa, pwede pa. Hanggang ‘di pa natatapos ang laban may buhay pa.”
Pagtatapos ni Dr.Naval: “Ang mga Pilipino nakuha nila yung never say die attitude ni Jawo at ng Ginebra, yung pagiging resilient kaya nila patuloy na minamahal. Kaya tulad ng Ginebra, ang mga Pinoy, kahit anong hamon kayang bumangon.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.