REGULAR na reader ng Inquirer si Christina Rosales ng Brgy. Cogon, Gubat, Sorsogon City. Isang run-away sa Jeddah, K.S.A. ang mister niyang si Jesus Fresia Rosales, ayon kanyang text message na ipinadala sa Bantay OCW.
Tinawagan namin si Christina on-the-air sa Radyo Inquirer. Sinabi niyang umalis si mister noong Enero 21, 2013 patungong Yanbu. Siyam na buwan itong hindi pinasahod ng kanyang employer at di pa pinakakain nang sapat.
Nagdesisyong tumakas si Jesus kasama ang kaibigan at nagtungo sa Jeddah upang humanap ng panibagong trabaho doon. Humingi naman ng tulong si Christina sa OWWA-Bicol at maging dito sa Maynila.
Nang makausap naman niya ang asawa sa Jeddah, pinayuhan anya siya ng kausap sa Konsulado na tumakas upang makasuhan ang amo nito. At nang makatakas, tanong naman sa kanya, bakit siya tumakas? Bukod dito, sinabihan na imbes na amo ang makasuhan ay baka siya na OFW ang kasuhan.
Hindi na lamang anya pinansin ng ating kabayan ang sinabi sa kaniya sa Konsulado dahil lalo lang siyang naguluhan.
Ipinaalam ni Christina ang nangyari sa lokal na ahensiyang nagpaalis sa kaniyang mister. Ito ang International Resources Development Services Agency. Naka-text at nakausap mismo ni Christina ang staff nitong si Edwin Escudero,
Ngunit sa halip na pakinggan ang kanyang reklamo, pinagmumura anya siya ni Escudero. At sinabi pang “L” lang ang nararamdaman nito at init lang ng katawan kaya gustong pauwiin ang asawa.
Marami pang bastos na mga salitang narinig si Christina mula kay Escudero. Inalam ng Bantay OCW kung bakit ganito kawalang-modo ang naging sagot ni Escudero.
Napag-alaman na personal driver lang pala ito ng isa sa mga may-ari ng agency na si Juno Reduca. Si Escudero rin ang nag-refer kay Jesus sa kanilang agency.
Sabihin pang siya ang nagrekomenda kay Jesus, wala naman itong karapatang bastusin ang maybahay ng ating OFW. Nangako naman ang kanilang recruitment officer na si Bing Gomba na aaksyunan ang reklamong pambabastos ng walang modong taong ito.
Pasalamat na lamang ni Christina at maayos naman ang kalagayan ng asawa sa Jeddah dahil may kumukupkop sa kanya doon at binigyan pa ito ng pansamantalang trabaho. Ngunit nang magdeklara na ang pamahalaan ng Saudi Arabia na kailangang umalis na ang mga ilegal sa kanilang bansa, namroblema naman nang husto itong si Jesus.
Hawak ng dating employer ang kanyang pasaporte at ngayon ay pinag-file na lamang siya ng lost passport para mabigyan ng panibagong pasaporte.
Ipinagbigay alam naman ng Bantay OCW ang kasong ito kay Labor Attache Alejandro Padaen ng Philippine Consulate sa Jeddah at handang sumaklolo ang konsulado sa ating kabayan. Maaari rin naman anyang maisyuhan siya ng travel document ngunit kakailanganin pa rin ang exit clearance mula sa dating employer bilang siyang orihinal na sponsor nito sa Saudi.
Pananagutan naman ng ahensiya ang anumang nangyari sa ating kabayan mula ng tumakas ito sa kaniyang employer pati na ang suweldong hindi ibinigay ng kaniyang amo. Kinakailangang magpadala sila ng plane ticket ng ating kabayan sa lalong madaling panahon. At higit sa lahat, disiplinahin at sibakin ang bastos na staff (driver pala) ng agency.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer dzIQ 990 AM, Lunes – Biyernes, 11:00 am-12:00 nn, 12:30-2:00pm audio/video live streaming: www.dziq.am. Mapapanood sa PTV 4 tuwing Martes 8:00-9:00pm.
Para sa komento, reaksyon sa artikulong ito, i-text ang inyong pangalan, edad, lugar at mensahe sa sa 09999858606
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.