Update: DU30 sa mga magulang ni Kian: Justice will prevail
NAKIPAGPULONG si Pangulong Duterte sa mga magulang ng napatay na Grade 11 na estudyante na si Kian Loyd delos Santos matapos ang isinagawang operasyon ng mga pulis sa Caloocan City.
Ayon sa Palasyo, isinagawa ang pagpupulong sa MalaMalago Clubhouse, Malacañang Park matapos ang kahilingan ng nanay at tatay ni Kian na sina Lorenza and Saldy delos Santos.
Sinabi ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na naging maayos ang pakikipagpulong ni Duterte kina Lorenza at Saldy kung saan tiniyak ng pangulo ang tulong para sa pamilya delos Santos.
“Okay naman, the meeting run smoothly. Naaddress ang immediate na pangangailang hiniling ng parents, tulad ng security nila,” sabi ni Aguirre.
Idinagdag ni Aguirre na natatakot ang mga magulang sa kanilang seguridad.
Sinabi pa Aguirre na nagdesisyon ang nanay ni Kian na si Lorenza na hindi na aalis ng bansa para maalagaan ang kanyang anak na dalagita.
Ayon kay Aguirre, sumusweldo lamang si Lorenza ng P18,000 kada buwan bilang overseas Filipino worker (OFW).
Idinagdag ni Aguirre na tinitingnan din ang posibleng tulong na maibibigay sa pamilya kagaya ng tirahan, puhunan sa negosyo.
Kasabay nito, sinabi ni Aguirre na tiniyak ng mga magulang ni Kian na wala silang galit sa pangulo.
“Wala silang galit sa pangulo kasi nag-explain ang pangulong kung bakit hindi sya nakapunta sa burol sapagkat ‘I could not, I am the commander ng pulis, hindi pa tapos probe ng NBI waiting to fihinsi the probe,’” sabi ni Aguirre.
Idinagdag ni Aguirre na nagpaliwanag si Duterte kanyang desisyon na hindi pumunta sa burol.
Sinabi pa ni Aguirre na tumagal ang pakikipagpulong ni Duterte sa mga magulang ng dalawang oras.
Samantala, sinabi ni Public Attorney’s Office (PAO) Chief Persida Rueda Acosta na tiniyak ni Duterte na mabibigyan ng hustiya ang pagkamatay ni Kian.
“Justice will prevail,” sabi ni Acosta nang tanungin kung ano ang tiniyak ni Duterte.
Bukod kina Aguirre at Acosta, dumalo rin sa pagpupulong si Violence Against Crime and Corruption (VACC) chair Dante Jimenez.
Inilibing si Kian noong Sabado kung saan libo-libo ang nakalahok sa paghahatid sa kanya sa huling hantungan.
Nauna nang sinabi ni Duterte na wala siyang balak na pumunta sa burol ni Kian, bagamat nagpaabot ng pakikiramay sa pamilya ng 17-anyos napatay.
Matatandaang inamin ng sinibak na Caloocan City police chief na si Senior Supt. Chito Bersaluna na base lamang sa social media ang pagsasangkot kay Kian sa droga.
Inakusahan ng mga trolls na sangkot si Kian sa droga matapos namang umani ng mga batikos ang pagpatay sa kanya ng mga pulis.
Kinasuhan na ng murder ang mga pulis na itinuturong pumatay kay Kian.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.