Centeno naka-gold sa SEA Games women’s 9-ball singles
KUALA LUMPUR, Malaysia — Napanatili ni defending champion Chezka Centeno ang kanyang women’s 9-ball singles title Linggo matapos mag-scratch ang kakampi sa pambansang koponan na si Rubilen Amit sa pinakahuling rack para sa nakakahindik na pagtatapos ng kampeonato ng 29th Southeast Asian Games billiards and snooker competition dito sa Hall 2 ng Kuala Lumpur Convention Center.
“It was really a heartbreaker po talaga,” sabi ni Amit, ang 2009 at 2013 WPA Women’s World 10-Ball Championship winner pati na 2007 WPA Women’s World 9-Ball Championship runner-up.
Dalawang bola na lamang ang kailangang ihulog ni Amit sa huling rack para sa race-to-seven win, 13-rack na labanan subalit hindi nito nakalkula ng maayos ang cue ball na dumiresto sa right corner pocket tungo sa isang scratch.
“Kailangan ko po kasi mag-set-up para sa nine ball kasi mahirap ang anggulo kaya lang napalakas ang tira ko,” sabi ng dalawang beses tinanghal na SEA Games 8-ball at 9-ball champion at 2013 10-ball gold medalist din.
Hindi naman nag-aksaya si Centeno ng panahon para walisin ang natitirang dalawang bola na No. 8 at No. 9 upang itala ang kanyang ikalawang sunod na pagiging kampeon sa event na tanging Pilipino ang nagwawagi sa nakalipas na anim na edisyon ng SEA Games maliban lamang noong 2013 sa Naypyidaw, Myanmar.
Si Amit, na nagwagi ng ginto noong 2005, 2007 at 2009 habang ikalawa noong 2011, 2013 at 2015, ay nabigo kay Angelina Ticoalu ng Indonesia noong 2013 para sa natatanging taon na kumawala sa kamay ng mga Pilipino ang titulo sa 9-ball sapul na isama ito bilang regular medal sport sa regional meet noong 2005 Manila SEA Games.
“Wala naman pong espesyal ngayon dito sa labanan namin,” sabi ni Centeno, na isinilebra ang kanyang ika-18th kaarawan mahigit isang linggo bago magsimula ang SEA Games.
“Itatago ko na sana ang cue stick ko dahil dalawa na lang ang natitira kay Ate Rubilen pero nagulat ako bigla dahil nahulog ang cue ball,” sabi pa ng mula-Zamboanga City na si Centeno.
Una nang hinawakan ni Amit ang 3-0 abante sa pagwawagi sa unang tatlong rack bago naghabol si Centeno sa pagwawagi sa sumunod na dalawang rack para sa dikit na 2-3 labanan.
Dalawang sunod na rack ang muling kinuha ni Amit para sa 5-2 abante bago bumalikwas si Centeno sa pagtala ng apat na sunod na panalo para agawin ang abante sa 5-6.
Gayunman, sumablay si Centeno sa No. 2 ball sa ika-11th rack na nagbigay kay Amit para itabla ang laban sa 6-all.
Nagawa ni Amit ang good break sa paghulog sa No. 3 ball bago isa-isang inihulog ang mga bola hanggang sa 7th ball bago nito naihulog ang cue ball.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.