DAHIL lang ba sa pagpatay ng ilang pulis-Caloocan sa teenager na si Kian delos Santos, which appears to be cold-blooded murder, ay ititigil na ang kampanya laban sa droga?
Aba, magdidiwang ang mga drug lords, drug traffickers at mga pushers kapag itinigil ang kampanya!
Sayang naman ang magandang umpisa at takbo ng gera laban sa droga.
Harapin natin ang katotohanan: Sa gera, may mga inosenteng sibilyan ang tinatamaan ng bala dahil napagitna sila sa labanan.
Nagkataon lang na nasa maling lugar sa maling pagkakataon nang nadatnan siya ng mga pulis na trigger-happy na sinubukan kung pumuputok ang baril na isyu sa kanila.
At ang kanilang napagbuntunan nga ay ang kawawang si Kian, na isang Grade 11 student.
Kailangang mapatawan ng pinakamatinding parusa sa ilalim ng batas ang mga salaring pulis.
(Kung ako lang masusunod, ipapasalvage ko ang mga pulis na yan gaya ng ginawa nila kay Kian.)
Pero dapat ay hindi matigil ang puspusang kampanya laban sa droga upang malutas ang malahiganteng problema.
***
Ang problema naman kasi sa kampanya ay mga maliliit na pusher ang pinapatay at hindi yung malalaking isda.
Sa mga libu-libong mga drug suspects na pinatay, dalawa lamang na big-time drug traffickers—sina
Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa at Ozamiz City Mayor Reynaldo Parojinog—ang natetepok.
Bakit ganoon gayong marami pang mga drug lords at traffickers, karamihan sa kanila mga big-time politicians at tanyag na pangalan sa lipunan—ang nasa listahan ng mga personalidad na sangkot sa droga.
Ang mga nabanggit ang nagpapakalat ng droga at dapat silang masalvage gaya ng kanilang mga maliliit na alipores sa kalye.
***
Ang isang masamang damo ay hindi pinuputol kundi binubunot sa mga ugat upang mapatay.
Ang mga drug lords at traffickers ay maituturing na masasamang damo at ang kanilang mga alipores ay mga tangkay lamang.
Parang pinuputol lang ng mga awtoridad ang mga tangkay ng masamang damo sa pagligpit sa mga street pushers.
Lalo kasing yumayabong o kumakapal ang damo kapag tini-trim lang sa tangkay.
Kapag lahat ng drug lords at drug traffickers sa bansa ay pinatay, malulutas ang problema natin sa droga.
***
Ang pumalit kay Nicanor Faeldon bilang commissioner sa Bureau of Customs ay isang retired general ng Philippine National Police na si Isidro Lapena.
Magkaiba ng ugali si Faeldon at Lapena—ang una ay madaldal at nagmamarunong samantalang ang huli ay tahimik.
Si Lapena ay graduate ng Philippine Military Academy (PMA) samantalang si Faeldon ay pumasok sa Marines bilang reserve officer at lumabas bilang captain dahil nag-aklas laban sa gobyerno.
Pinili si Lapena na pumalit kay Faeldon ng Pangulong Digong dahil siya’y isang silent worker at tapat sa serbisyo.
Sana’y hindi maging matapat si Lapena bilang customs commissioner na di gaya ng ilang mga nauna sa kanya.
***
Nang bumisita si Philippine National Police Chief Ronald “Bato” dela Rosa sa Puerto Princesa kamakailan, may nakarinig sa kanya na sinabi diumano sa mga pulis sa lungsod, “Wala nang bango ang mga Hagedorn, kailangan nang trabahuin sila lalo na si Douglas.”
Ang tinutukoy ni Bato—that is, kung sinabi man niya yun—ay sina dating Mayor Edward Hagedorn at Congressman Douglas Hagedorn.
Anong ibig sabihin ni Bato na “trabahuin” sina Edward at Douglas Hagedorn?
Hindi ako makapagsasalita para kay Douglas, pero si Edward ang pinakamagaling na naging mayor ng Puerto Princesa.
Sa ilalim niya, ang Puerto Princesa ay nag-boom bilang tourist destination.
Halos walang krimen at droga sa lungsod sa kanyang pamamahala sa lungsod gaya ng ginawa ng dating Mayor Rody Duterte sa Davao City.
Saksi ang inyong lingkod sa nangyari sa Puerto Princesa noong si Edward ay mayor pa dahil ako’y part-time resident ng lungsod.
Halos every other week ay pumupunta ako sa aking farm sa Barangay Bacungan sa lungsod at nagbabakasyon ng dalawang araw.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.