Barangay sinalakay ng Abu Sayyaf; 9 patay, 16 sugatan
John Roson - Bandera August 21, 2017 - 04:53 PM
SIYAM katao, kabilang ang isang 13-anyos na binatilyo, ang nasawi at 16 pa ang nasugatan nang salakayin ng malaking bilang ng mga kasapi ng Abu Sayyaf ang isang barangay sa Maluso, Basilan, Lunes ng umaga, ayon sa pulisya.
Sinunog pa ng mga bandido ang apat na bahay at ang day care center ng Brgy. Tubigan, sabi ni Chief Insp. Tara Leah Cuyco, tagapagsalita ng Autonomous Region in Muslim Mindanao police.
Aabot sa 100 armado na pinaniniwalaang tagasunod ni Abu Sayyaf sub-commander Furiji Indama ang sumalakay dakong alas-5:30, sabi ni Cuyco sa isang text message.
“The gunmen suddenly appeared and fired towards the residential houses, and burned four residential houses and a day care center of Brgy. Tubigan,” aniya.
Inulat sa Maluso Police dakong alas-6 na sinalakay ng mga armado ang barangay at nakarinig ng mga putok ng baril doon, ani Cuyco.
Kabilang sa mga nasawi sina Marktan Jalad, 13; Reynaldo Esparcia, 52; Camina dela Cruz, 23; Ajid Aminulla, 32; Radzma Arakani, 28; at Radsma Hassan.
Ilang oras pa’y naiulat na napatay din si Hayikin Kato Andok, 33, ng Ungkaya Pukan; at mga residenteng sina Ryan Joplo at Baby Arakani.
Kabilang naman sa mga sugatan ang mga menor de edad na sina Jul-Hari Arakani, 9; Midzfhar Arakani, 10; at Arnold Abenedo, 12.
Sugatan din sina Roderick Villarin, 24; Grace Fernandez, 35; Reck Joplo, 35; Avel Laping, 28; Estrella Arakani, 23; Joel Dela Cruz, 30; at Jordan Garcia, 24; pati sina Solo Arakani, Mariam Dela Cruz, Jessie Dela Cruz, Tarhata Arakani, Jimmy Magid, at Lukaya Arakani.
Itinakbo ang 16 sa Isabela City para malunasan.
Di pa matiyak ang pagkakakilanlan ng mga “lawless elements” na umatake dahil umatras ang mga ito patungo sa kabundukan matapos ang insidente, ani Cuyco.
Nagpadala na ng karagdagang pulis, mga miyembro ng Civilian Volunteers Organization, at tauhan ng lokal na pamahalaan para bantayan ang Tubigan, aniya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
What's trending