Pinoy celebs nababahala sa mas tuminding anti-drug campaign ni Duterte
NAALARMA na rin ang ilang celebrities sa mas tumitindi pang anti-drug operation ng Duterte government sa bansa kung saan parami pa nang parami ang mga napapatay.
Partikular na kinondena ng mga artistang nababahala sa kaliwa’t kanang pagpatay sa mga hinihinalang sangkot sa ilegal na droga ang pagkamatay ng teenager na si Kian Loyd delos Santos, na ayon sa mga pulis ay nanlaban matapos makumpiskahan ng dalawang pakete ng shabu.
Ngunit taliwas ito sa kuha ng CCTV kung saan makikita ang biktima na may piring at hawak-hawak ng dalawang pulis na nakasibilyan. Set up daw ang nangyari ayon sa mga saksi at hindi totoong sangkot ang bata sa droga.
Isa si Agot Isidro sa mga matatapang na celebrity na nagpahayag ng kanyang pagkaalarma sa nasabing insidente. Sa kanyang Twitter account, nag-post ang singer-actress ng pagkadismaya sa ginagawang pagpatay ng mga pulis.
“32…36…These are not just numbers. These are lives taken. Overnight. Ok pa ba kayo? Why are we not enraged? Ilan pa ba?” pag-aalala ni Agot.
Sabi naman ni Karen Davila, “Yesterday, 32 dead in Bulacan in PNP anti drug war operations. Today, 25 dead in Manila. What is this? A killing spree?”
Ito naman ang ipinost ng TV host-broadcast journalist na si Atom Araullo sa kanyang social media accounts, “Define terrorism: in Barcelona, 13 dead in an attack by alleged ISIS-inspired group. In the PH, 25 dead overnight in the hands of police.”
“Sa 2017, ano na nga ba ang ibig sabihin ng Nanlaban?” ang pahayag naman ng Kapuso TV host na si Lyn Ching.
Sey naman ni Love Añover, “Binatilyo, patay nang ‘manlaban’ sa pulis; pero iba ang kuha sa CCTV!”
May ilan namang celebrities ang nagsabing parang hindi na tama ang ginagawa ng ilang pulis at sana raw ay maparusahan din ang mga pulis na walang awang pumapatay ng inosenteng tao.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.