SUMAWSAW na sa 2010 elections ang Catholic Bishops Conference of the Philippines, at tulad ng ibang sekta (na nakagawian na ang pagsawsaw sa bawat halalan), maglalabas ang mga obispo ng “guidelines” (daw) sa pagpili ng mga kandidato sa halalan. Nakababahala ang pakikialam ng mga obispo sa eleksyon. Hindi nagbabasbas ang Santo Papa ng ganitong desisyon at mas lalong hindi babasbasan ng Vatican ang kanilang “guidelines.” Kung ang isang batayan ng gabay ng CBCP ay kandidatong maka-Diyos, walang aaming kandidato na maka-Demonyo siya. Lahat ng mga kandidato ay mag-aanyong banal at matulungin, kahit pinabayaan nila ang mga magsasaka, ang kanilang mga constituents sa kani-kanilang lalawigan (kaya’t hanggang ngayon ay lugmok pa rin sa kahirapan ang kanilang bayang tinubuan). Marami nang pinasok, at pinanghimasukan ang mga paring Katolika, tulad ng pagkakanlong kay Jun Lozada (at iba pang mahihilig pumito [whistle-blower?]) at mga rebeldeng komunista. Pari’t madre’y nagkandarapa sa pagtatanggol sa kanila. Pero, pari’t madre’y di nagkandarapa sa mga binagyo, binaha, nilindol, at mas lalong di sila tumulong sa mga nasunugan at nagsisilikas bunsod ng gera.
BANDERA Editorial, 112309
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.