IKALAWANG sunod na panalo ang tatangkaing mauwi ngayong gabi ng Gilas Pilipinas men’s basketball team sa pagsagupa nito sa Iraq sa Group B ng 2017 FIBA Asia Cup na ginaganap sa Nouhad Nawfal Sports Complex sa Beirut, Lebanon.
Mag-uumpisa ang laro dakong alas-9 ng gabi.
Binalewala ng Nationals ang pisikal na laro at halos makipagbasagan ng mukha upang palasapin ng kabiguan ang nagtatanggol na kampeong China, 96-87, sa pagsisimula ng kanilang kampanya sa torneo Miyerkules ng gabi.
Nakataya sa torneong ito ang ranking points para sa iba’t-ibang nakatakdang torneo patungo sa Olympic Games.
Tinalo ng Iraq ang Qatar, 75-66, para makasalo ang Pilipinas sa liderato ng Group B.
Ipaparada ng Iraq si Kevin Galloway bilang kapalit ni Jones Cup naturalized player Demario Mayfield.
Pero kung pagbabasehan ang laro ng Gilas kontra China ay kayang manalong muli ang mga Pinoy.
Ang panalo ay pinakauna ng Pilipinas kontra China sa mahaba-haba nitong kampanya sa mga internasyonal na torneo kabilang na ang madalas na paghaharap sa Asian Games at mga qualifying events para sa Olympics at World Championship.
Huling tinalo ng Pilipinas ang China, 80-79, sa kanilang 3rd place game sa 2014 FIBA Asia Challenge na ginanap sa Wuhan, China.
Nauna nang napatalsik si Calvin Abueva may 2:27 sa unang yugto kung saan angat ang Pilipinas laban sa China, 17-11, nang sa sobring inis ay na-headbutt nito si Chinese forward Li Gen sa baba.
Nagawa naman magposte ng Nationals ng 17-puntos na kalamangan, 38-21, mula sa 3-point shot ni 6-foot-8 center Raymond Almazan sa 7:02 minuto ng ikalawang yugto bago naghabol ang mga Chinese sa ikatlong yugto, 70-76.
Naagaw pa ng China ang bentahe sa 87-84 sa huling apat na minuto ng ikaapat na yugto bago isinalba ni Terrence Romeo sa kanyang krusyal na triple para itabla ng Gilas ang iskor sa 87-87 may 3:30 at muling tumipa ng isang basket at isa pang tres para ilayo ang Nationals sa 92-87 sa nalalabing 1:40 sa labanan.
Nagtala si Romeo ng 26 puntos para sa pamunuan ang Pilipinas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.