Nangangarap makaahon sa hirap (2)
Sulat mula kay Dinah ng Barra, Opol, Misamis Oriental
Problema:
1. Ako po ay panganay sa walong magkakapatid. Nagkahiwalay po ang nanay at tatay namin kaya kung saan-saan kami nakitira. Ako po ay napunta sa nanay ko, pero may iba siyang kinakasama na matanda na may sakit at siya po ang nag-aalaga. Kaya ako ay hindi na rin nakapag-aral at namasukan na lang ako bilang katulong. Naisipan kong sumangguni sa inyo upang itanong kung may pag-asa pa kaya kaming makaahon sa kahirapan?
2. Sa ngayon po ay balak kong magtrabaho sa ibang bansa dahil ang dating kasamahan kong katulong din sa bahay na ito ay nasa abroad na at siya ang nangako sa akin na tutulungan nya akong maka-alis. Kung makapag-aabroad ako, kailan kaya at magiging maayos kaya ang buhay ko doon? Gusto ko pong mag-abroad dahil pangarap kong maiahon sa kahirapan ang aming pamilya at mapagsamasama ko kaming magkakapatid sa iisang bubong. December 4, 1992 ang birthday ko.
Umaasa,
Dinah ng
Misamis Oriental
Solusyon/Analysis:
Astrology:
Ang zodiac sign mong Sagittarius (Illustration 2.) ay nagsasabing pagsapit na pagsapit ng buwan ng Oktubre hanggang Disyembre ay magagandang pangyayari ang magaganap sa iyong kapalaran sa tulong ng isang babaeng isinilang sa zodiac sign na Aries.
Numerology:
Ang birth date mong 4 ay nagsasabing ang tutulong sa iyo upang makapag-abroad ay sinilang sa birth date na 7, 16 o kaya’y 25. Kaya kung ganyan ang birth date ng dati mong kasamahan na katulong na tumutulong sa iyo, tiyak ang magaganap, matutuloy ka at sadyang magiging maganda ang kapalaran mo sa ibayong dagat.
Luscher Color Test:
Upang matupad ang pangarap mo na makapag-abroad at lalo pang magkaroon ng magagandang kapalaran lagi kang magsuot at gumamit ng kulay na pula at dilaw. Ang nasabing mga kulay ang lalo pang magbibigay sa iyo ng suwerte lalo na sa aspetong pang-pinansyal.
Huling payo at paalala:
Dinah, ayon sa iyong kapalaran, ituloy mo lang ang pag-aaplay sa ibang bansa sapagkat nakatakda na ang magaganap dahil sa nasabing pag-aabroad ngayong taon ding ito, sa buwan ng Oktubre, sa edad mong 25 pataas, mabilis na uunlad ang sarili mong kabuhayan. Ito na ang magiging daan upang matupad ang malaon mo ng pangarap na maiahon sa kahirapan ang inyong pamilya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.