Aljur sa paglipat sa ABS-CBN: Kahit ano ang ipagawa nila, gagawin ko!
“ACTUALLY, hindi na kailangan (ng workshop) kasi marunong siya, may alam naman.”
‘Yan ang pahayag ni Dreamscape Entertainment head Deo Endrinal nang tanungin namin kung pinag-workshop muna nila si Aljur Abrenica bago isalang sa FPJ’s Ang Probinsyano dahil ang alam nga ng marami ay hindi naman siya kagalingang umarte.
“Nasa tamang handling lang ‘yan kung paano mo mapapaarte and so far okay si Aljur, walang problema sa kanya,” dagdag pa ng TV executive.
Bakit nga ba isinabak agad si Aljur sa Ang Probinsyano gayung bagong pasok pa lang siya sa ABS-CBN?
“Para may impact, ganu’n naman tayo di ba, kapag may tinutulungan kailangan ilagay mo sa mapapansin agad,” paliwanag ni DTE (tawag kay Sir Deo).
Ang lakas nga ng dating ni Aljur dahil bukod sa 100th week celebration ng serye ay isa siya sa naging highlight sa ginanap na presscon nitong Huwebes sa Le Reve Venue & Events Place sa Q.C.
Ayon sa aktor ang bago niyang manager ay si Jon Ilagan (asawa ni Veronique del Rosario) na nagtayo na rin ng sariling Talent Agency, ang Eleven Eleven Entertainment na dating Bigboy Entertainment.
Si Sir Deo raw mismo ang nagsabing interesado siyang kunin si Aljur for Dreamscape projects. Sabi ni Aljur, “Laking pasalamat ko sa bumubuo ng Probinsyano dahil nagkataon po na interesado sila sa akin.
Then sinabi po sa akin ng manager ko na kailangan na naming pumunta ng ABS noong Monday. Noong nagpunta ako du’n, doon na po nilatag ang character ko sa Probinsyano. Doon na nagsimula.”
Hindi na ni-renew ng GMA si Aljur matapos mag-expire ang kontrata nito noong Marso 2017.
Dagdag naman ni Coco Martin na isa sa creative consultant ng kanilang serye, siya mismo ang nag-suggest sa ABS-CBN na isama si Aljur sa programa. Nagkausap daw sila nang magkasama sa gym at doon nila napag-usapan ang tungkol sa posibleng guesting ng dating GMA artist sa number one serye ng Kapamilya Network.
***
Ang lakas nga talaga ng dating ni Aljur dahil segundo palang ang binilang nu’ng ilabas ang litrato niyang topless at nakasakay sa kabayo ay nag-viral na agad sa social media.
Ano ang magiging role niya sa FPJ’s Ang Probinsyano? “May-ari po kami ng isang quarry. Ang tatay ko ay si Mr. Jestoni Alarcon. Yung kabayo na ‘yon (sa litrato), ang pamilya kasi namin, mahilig sa mga kabayo, ginagamit ko siyang pang rotonda sa quarry namin. Nagbabantay ako ng mga tao doon, sinisiguro ko kung ginagawa nila yung mga kailangan.”
Hindi ba siya naasiwa na unang labas niya sa ABS-CBN ay nakahubad agad siya? “Sa atin, bilang isang artista, kahit ano pong ipagawa sa akin, gagawin ko. Pero depende pa rin po, siyempre, pupunta po tayo sa usapan ng management at saka ng proyekto kung hanggang saan ‘yung pupuntahan.
“Pero bilang isang artista, handa po akong gawin lahat kasi gusto ko rin mag-grow bilang isang aktor at masasabi ko pong napakagandang oportunidad na mapabilang sa number one show sa Pilipinas, na dito ko po huhubugin yung sarili ko,” paliwanag ni Aljur.
Hindi pa alam ng aktor kung bad or good ang karakter niya sa programa.
Samantala, pagkatapos ng ikalawang bahagi ng presscon ay hinabol ng ilang entertainment press si Aljur sa labas ng venue at nabanggit niya na kaya rin siya nagmamadaling umalis ay dahil nagle-labor na raw ang girlfriend niyang si Kylie Padilla.
“Sa ngayon, nasa labor po siya. Kasama niya ang nanay ko, kapatid ko, at kung sinumang mga taong nakakatulong sa kanya,” sey ng aktor.
Bakit pa dumalo ng presscon si Aljur kung nasa labor room na ang ina ng magiging anak niya? “Sa totoo lang po, hati ang puso ko kung saan pupunta. Siguro kaya ako nandito ngayon, si Kylie sinabi niya sa akin na, sa buong proseso ng pagbubuntis niya, kasama ko siya at ito na yung panibagong pagkakataon para sa akin,” saad ni Aljur.
Dugtong pa niya, “Si Kylie ang nagsabi na pumunta ako dito.”
Marami pa sanang gustong itanong ang entertainment press kay Aljur pero hinila na siya ng handler para bumalik ng ospital.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.