‘Mama Alfie mabuting kaibigan, pero masamang kaaway!’
BUHOS ang pakikiramay ng lokal na aliwan sa pagpanaw ng beteranong kolumnista-manunulat na si Mama Alfie Lorenzo. May mahigit na tatlong dekada namin siyang nakasama sa mundo ng panulat.
Kung ilarawan siya ng mga taga-showbiz ay mabuti siyang kaibigan pero masamang kaaway. Pinagdaanan namin ang dalawang katangiang ‘yun ng namayapang kolumnista.
Naabot niya ang pinakatuktok na posisyon sa kanyang hanay. Kolumnista siya ng lahat ng mga magazines nu’n. Parang hindi kumpleto ang mga pahina ng babasahin kapag wala siyang kolum.
At napakasarap niyang sundan-basahin kapag may pinipitik siyang artista dahil kumpleto ‘yun kumbaga sa isang pelikula. May aksiyon, may drama, may komedya kung bumanat ang isang Alfie Lorenzo.
Pero nitong mga huling panahon ay hindi na siya masyadong naging tutok sa kanyang panulat. Ninamnam niya na lang ang mga nalalabi pang panahon ng kanyang buhay sa paglilibang sa casino.
Siya mismo ang nagkukuwento sa amin na may mga pagkakataong dalawa-tatlong araw siyang hindi umuuwi, laro lang siya nang laro, umuuwi lang siya kapag kailangan nang tukuran ng toothpick ang kanyang mga mata sa sobrang antok.
Ngayon ay tuluyan nang umuwi si Mama Alfie sa kanyang tunay na tahanan. Isinauli na niya ang hiram niyang buhay.
Isang payapang paglalakbay sa aming kapwa manunulat, kaibigan, katudyuhan at mahal na Mama Alfie Lorenzo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.