Mica dapat sundan ang yapak ni Lea, mag-audition sa Broadway
PINANOOD namin sa YouTube ang The Voice Teens grand finals nitong Linggo dahil hindi namin inabutan sa TV.
Napahanga kami nang husto kay Mica Becerro na kumanta ng “Time To Say Goodbye” na una naming narinig kina Andrea Bocelli at Sarah Brightman.
Nakakapanindig-balahibo ang version ni Mica na puwede ring maka-dueto si Andrea dahil pang-world-class talaga ang kanyang performance. Sabi nga ng kanyang coach na si Lea Salonga, “There’s no one in this competition, no one! She is unique! For her to be brave enough to be different, to be herself, to stick to who she is as an artist. Your voice leaves up there in the heaven and I’m so proud na naging coach mo ako.”
Ikalawa naming pinanood ang version ni Jeremy Glinoga ng “Dahil Mahal Na Mahal Kita” na orihinal ni Roselle Nava. Napaka-sincere ng pagkakanta ng binatilyong lumaki sa Amerika dahil he sings from the heart at hindi niya ito ibinirit tulad ng ibang singers. Kilalang emosyonal ang coach ni Jeremy na si Sharon Cuneta kaya habang kumakanta ang alaga ay talagang napaluha pa siya.
Nagustuhan namin ang katwiran ni Sharon na kaya hindi siya pumili ng bumibirit ay para maiba naman, “Kung napansin lahat ng tao, itong season na ito, hindi ako pumili ng bumibirit unlike last season and Star Power pa ‘coz, although napakagaling nilang lahat at marami na sila. I want to be purest this season, I wanna go back to the times of Martin Nievera, Kuh Ledesma, Zsa Zsa Padilla, Gary Valenciano, when he’s no’t dancing. I want a singer like you (Jeremy) kaya ikaw ang pinili ko, kasi kapag nagba-ballad si Gary ganu’n.”
Pinanood din namin si Isabela Vinzon sa version niya ng “Rise Up”, orihinal ni Andra Day na kilalang soul, R&B, jazz, blues, disco, pop, swing singer.
Akala nga namin ay si Andra ang kumakanta dahil katunog ng boses ni Isabela na mula naman sa Kamp Kawayan ni coach Bamboo. Very distinct ang boses niya tulad nina Yeng Constantino at KZ Tandingan.
Say naman ni Bamboo kung bakit si Isabela ang pinili niya, “Music is all about connection and in that performance from start to finish, nagkuwento ka. You (put) power through it, eh, and that’s an artist does and how you represent yourself. All I can say is you are the best, the best for this season.”
q q q
Sinadya naming huling panoorin si Jona Soquite na siyang nagwagi sa unang season ng The Voice Teens sa awiting “I Believe I Can Fly.” Maganda rin naman ang boses niya at talagang birit kung birit. Ang kaso hindi na namin naintindihan ang lyrics nu’ng tumaas na ang tono dahil parang kinakain na niya ang mga salita.
Akala namin kami lang ang nakapansin nito, halos lahat pala ng viewers at ito rin ang nabasa naming comment sa social media. Hirap din si Jona na abutin ang matataas na nota kung ikukumpara namin siya kay The Voice Kids season 2 winner Ella Nympha na effortless bumirit.
Feeling namin kaya si Jona ang pinili ni Sarah Geronimo ay dahil nakita niya ang sarili niya noong sumasali pa siya sa mga singing contest bukod pa sa mahirap ang bagets ngunit puwede pang mahasa tulad din ng kanyang coach.
Pero sabi nga ni Sarah, “Napakapursigido mong bata, magaling ka mahusay ka at marunong kang makinig. Discipline and humility, these are the traits of a true champion and you possess these traits.”
Personal choice namin si Isabela na alaga ni Bamboo dahil halos lahat ng genre ay kaya niya, maski saan puwede mo siyang ibato pagdating sa kantahan.
Okay din si Jeremy dahil bukod sa pogi, alam naman sa showbiz, pag may itsura, maraming fans at gusto namin ang kuneksyon niya sa mga tao habang kumakanta, napaka-sincere at mapuso.
Kung tutuusin, si Mica ang pinakamagaling sa apat dahil bibihira ang tulad niya na kayang gawin ang classical music, pero hindi naman kasi patok sa local showbiz o music industry ang ganitong genre.
Siguro sundan niya ang yapak ng coach Lea niya at mag-audition sa mga musical play sa ibang bansa dahil tiyak na mapapansin siya roon, tulad ni Rachelle Anne Go na kasalukuyang nasa Broadway ngayon para sa Miss Saigon 2017.
Pero dahil idinaan sa text votes, paano mo tatalunin ang Popsters ni Sarah Geronimo, e, sa apat na coaches, siya ang may pinakamaraming supporters.
Marahil kung nag-abot sila ng kasikatan noon ni Sharon, e, imposibleng lumusot ang Popsters sa Sharonians ni Mega, di ba bossing Ervin?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.