Walang katapusang obligasyon | Bandera

Walang katapusang obligasyon

Susan K - July 28, 2017 - 12:10 AM

KAPAG nagsimula nang mag-abroad ang isang overseas Filipino worker, asahan nang padagdag nang padagdag ang mga obligasyon sa buhay.

Isang simpleng dahilan lang naman sa simula kung bakit sila nangingibang-bayan. Para sa kanilang pamilya!

Na sana’y maiahon mula sa kahirapan ang mga mahal sa buhay; makapagpatayo ng bahay; makapagpatapos ng mga anak o kapatid sa eskuwela.

Para sa ilan, upang matustusan ang mga magulang sa kanilang pagpapagamot o di kaya’y sa kanilang pagtanda.

Aminin man natin o hindi, sa simula’t simula pa lamang kasi, mali ang ideya ng Pinoy pagdating sa pagpapamilya.

Dati-rati makikita natin na may mga mag-asawang napakarami ng mga anak. Hindi na nila iisipin at ni walang plano kung paano nila maitataguyod ang mga ito. Basta kailangan maraming anak!

Ang kanilang rason? Kalahati man sa mga anak na ito ang tumalikod sa kanila pag matatanda na sila, may kalahati pang maaasahan na siyang kukupkop at mag-aalaga sa kanila.

May ilang magulang naman na ipaaako sa mga anak ang kanilang responsibilidad tulad ng pagpapaaral sa kanilang mga kapatid.

Kaya naman ang kaawa-awang OFW, hindi makauwi-uwi dahil ang dami-dami na niyang obligasyon sa buhay. Na hindi naman dapat! Walang obligasyon ang anak sa mga magulang. Kabaliktaran pa nga!

Nauudlot pati ang pag-aasikaso sa kanilang sariling mga buhay tulad ng pag-aasawa. May pamilya pa kasi silang pinaglilingkuran. Kapag nakapagpatapos na ang kanilang mga pinag-aral, mga magulang naman na matatanda na at maysakit ang siya namang aasikasuhin ng OFW. Panibago na namang obligasyon! Wala talagang katapusan!

Kaya nga ang mga dayuhang employer ng Pinoy hindi maintindihan kung bakit kailangang nagpapadala ng pera ang OFW sa kanilang mga kapamilya. Hindi nila maubos-maisip na ang pinagtatrabahuhan ng iba, pinapakinabangan naman ng iba.

Para sa kanila, ang anumang pinaghirapan mo, ikaw dapat ang siyang makikinabang. Tulad na lamang sa Amerika, kapag 18 na ang edad ng isang bata, kailangan na nitong umalis ng kanilang bahay at mamuhay ng mag-isa.

Mag-rerenta na ito ng tirahan, bibili ng sariling pagkain at maghahanap-buhay para sa sarili. Hindi para sa ibang tao. Kapag nakatira pa siya sa kanilang bahay, sisingilin na siya kahit man lamang gastusin para sa kaniyang pagkain.

Kaya walang puwedeng magpabigat doon. Kaya ba ng Pinoy yan? Kaya lalong naghihirap ang Pinoy dahil sa labis na katamaran at palaging umaasa sa pinaghihirapan ng iba sa halip na magbanat ng buto at maghanap-buhay kahit man lang para sa kanilang sarili.

Hangga’t pinapayagan ninyong abusuhin kayo ng inyong mga kapamilya, hindi matatapos ang inyong obligasyon hanggang kamatayan.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: [email protected]/ [email protected]

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending