Yohan Hwang: Korean ako, pero puso ko Pinoy na Pinoy!
MAY bonggang kontribusyon sa industriya ng musika ang Korean charmer at I Love OPM Grand Touristar na si Yohan Hwang sa paglulunsad niya ng unang album mula sa Star Music.
Ngayon pa lang ay hit na hit na ang kanyang Pinoy covers at Korean versions nito at magiging available na very soon sa Melon, ang kilalang online music store sa South Korea.
Tatlong OPM ang mapapakinggan sa self-titled album ng cute na tsinito na itinuring nang tahanan ang Pilipinas mula taong 2014. Personal niyang isinalin sa Korean language ang lyrics nito, at isinama ang kanyang mga bagong bersyon sa album na may hangaring magustuhan ito ng mga Pilipino at kapwa Koreano.
Tampok bilang carrier single ng kanyang unang album ang interpretasyon niya ng “Kung Ako Na Lang Sana,” ang pinasikat na kanta ni Bituin Escalante. “Nayotdamyon” naman ang titulong ng Korean version nito.
Kasama rin sa covers ng 21-anyos na singer ang “Ikaw” ni Yeng Constantino at ang Korean version nito na “Noege,” ang favorite namin “You Made Me Stronger” ni Regine Velasquez at ang pangalawang version nito na may titulong “Annyeong.” Nagsilbing theme song ng Koreanovela na Love In The Moonlight na kamakailan ay umere sa ABS-CBN ang awiting “Noege.”
Bukod sa mga nasabing OPM hits, bahagi din ng kanyang pinakahihintay na album ang “Du Sa Rang,” ang Korean version ng isa sa hit songs ni KZ Tandingan, ang “Mahal ko o Mahal Ako.”
Maituturing itong milestone sa kasaysayan ng Star Music sa pagdadala nito ng mga awitin sa Melon music portal sa unang pagkakataon para ipakilala ang OPM na isinalin sa Korean language sa South Korean market sa pamamagitan ng mga awitin ni Yohan.
Unang nakilala si Yohan nang siya ay sumali at nagwagi sa orihinal na singing competition ng ABS-CBN, ang I Love OPM, at kasama sa kanyang mga natanggap na premyo ang Star Music recording contract.
Si Rox Santos ang over-all producer ng “Yohan Hwang” album, na magiging available sa susunod na buwan sa melon.com at sa iba pang digital stores worldwide (Apple iTunes, Amazon.com, etc.), sa Spotify, at sa iba’t ibang record stores sa buong bansa.
Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa album ni Yohan, bisitahin lamang ang Starmusic.ph o sundan ang official social media accounts ng Star Music sa Facebook.com/starmusicph, Twitter.com/starrecordsph at Instagram.com/Starmusicph.
Natanong si Yohan kung plano na ba niyang mag-stay sa bansa for good, tugon ng binata, “As of now, my career sa showbiz talaga. ‘Yun lang, walang iba.”
Ano naman ang kaibahan niya sa mga Korean stars na sina Ryan Bang at Sandara Park na nagtatrabaho rin dito sa bansa, “Sa tingin ko, first Korean OPM singer (ako) sa Pilipinas. Sandara was an actress, Ryan is a comedian. Ako singer, so parang ibang-iba talaga.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.