Malinis na karta itataya ng Lyceum Pirates kontra Arellano Chiefs | Bandera

Malinis na karta itataya ng Lyceum Pirates kontra Arellano Chiefs

Angelito Oredo - July 25, 2017 - 12:09 AM

Mga Laro Ngayon
(Filoil Flying V Centre)
12 n.n. Mapua vs EAC
2 p.m. Arellano vs LPU
4 p.m. San Beda vs Letran
Team Standings: LPU (3-0); San Beda (3-1); Arellano (2-1); JRU (2-2); San Sebastian (1-2); Letran (1-2); EAC (1-2); Mapua (1-2); Perpetual Help (1-2); St. Benilde (1-2)

PANATILIIN ang malinis na kartada at solong liderato ang asam ng Lyceum of the Philippines University Pirates ngayon sa pagsagupa sa Arellano University Chiefs habang pilit na kakapit sa unahan ang defending champion San Beda Red Lions kontra Letran Knights sa NCAA Season 93 men’s basketball tournament sa Filoil Flying V Centre sa San Juan City.

Una munang magsasagupa ang Mapua University Red Robins at Emilio Aguinaldo College Brigadiers sa ganap na alas-8 ng umaga bago sundan ng Arellano Braves kontra LPU Baby Pirates sa alas-10 ng umaga. Agad itong susundan ng alas-12 ng tanghali na salpukan ng Mapua Cardinals at EAC Generals sa una sa tatlong gaganaping seniors match.

Ikaapat na sunod na panalo ang hangad ng Pirates sa ganap na alas-2 ng hapon sa pakikipagkita nito sa Season 92 finalist na Chiefs habang nakatakda sa ganap na alas-4 ng hapon ang sagupaan ng Knights at Red Lions.

Huling maglalaro ang Red Cubs at Squires sa ganap na alas-6 ng gabi.

Kinolekta ng Pirates ang record nitong tatlong sunod na panalo sa pagsisimula ng torneo matapos talunin ang San Sebastian Golden Stags, 78-73, noong Biyernes tampok ang mahusay na laro ni CJ Perez na nagtala ng team-best 20 puntos.

Idinagdag ng Pirates ang Stags sa kanilang listahan ng mga tinalo na mga title contender matapos biguin ang Jose Rizal University Heavy Bombers, 96-75, at ang nagtatanggol na Red Lions, 96-91, sa una nitong dalawang laro.

Ang San Beda, JRU at San Sebastian ang tatlo sa apat na koponan sa NCAA na nanguna sa Filoil Premier Cup nakaraang buwan.

“You can’t win the championship in just three games. We have to keep working harder and stay hungry to sustain this winning,” sabi lamang ni LPU coach Michael “Topex” Robinson.

Makakasagupa naman ng Pirates ang isa pang title contender sa Season 92 finalist na Chiefs, na may bitbit na 2-1 panalo-talong kartada matapos maungusan ang Heavy Bombers, 73-72, sa game-winner ni Kent Salado. Inaasahang babantayan si Salado na nagtala ng game-high 25 puntos, anim na rebounds, walong assists at dalawang steals.

“This is his team now and he is proving that he is capable of carrying this team,” sabi ni Arellano coach Jerry Codiñera kay Salado.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Nakabangon naman ang San Beda sa nakakadismayang pagkatalo sa LPU sa pagbigo sa St. Benilde, 76-52, at sa EAC, 81-69, para makabalik sa unahan sa 3-1 marka.

Haharapin ng San Beda ang pamilya na kalaban na Letran na matatandaang pumigil sa hangad nitong makasaysayan na anim na sunod na pagsungkit sa korona. Nalasap naman ng Letran ang 62-65 kabiguan sa JRU noong Biyernes.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending