Gilas Pilipinas tinambakan ang Chinese Taipei A
Mga Laro Lunes (Hulyo 17)
(Taipei Peace Basketball Hall)
11 a.m. Lithuania vs Japan
1 p.m. Iraq vs Canada
3 p.m. Philippines vs Republic of China White
5 p.m. Iran vs South Korea
7 p.m. Republic of China Blue vs India
BUMANGON ang Gilas Pilipinas mula sa masaklap na unang pagkatalo matapos tambakan ang host Republic of China-Blue o Chinese Taipei A, 88-72, sa ginaganap na 39th Jones Cup Men’s International Basketball Tournament 2017 sa Chinese Taipei International Basketball Hall sa Taipei, Taiwan Linggo ng gabi.
Angat ng isang puntos, 23-22, matapos ang unang yugto nagawang makalayo ng bahagya ng Pilipinas para ilatag ang 47-40 kalamangan sa pagsara ng first half.
Bigla naman nagsagawa ang Pilipinas ng ratsada sa ikatlong yugto para makapagtala ng double digit na kalamangan na ang pinakamalaki ay 11 puntos, 64-53, mula sa tres ni Matthew Wright.
Bagamat natapyas ang kalamangan ng Pilipinas sa anim, 67-61, matapos ang ikatlong yugto hindi naman ito nagpabaya pagpasok ng ikaapat na yugto.
Pinangunahan ni Wright ang mga Pinoy cagers sa kinamadang 17 puntos habang nagtala naman si Christian Standhardinger ng double-double sa ginawang 17 puntos at 15 rebounds.
Nagdagdag si Kiefer Ravena ng 15 puntos habang si Roger Pogoy ay may 10 puntos.
Gumawa si Zheng-Ru Lu ng 16 puntos para pamunuan ang Chinese Taipei A na asam sanang makuha ang ikalawang sunod na panalo matapos nitong biguin ang una nitong nakatapat na Japan, 86-65.
Samantala, sasabak ang Gilas Pilipinas sa ikatlong sunod na laro kontra sa host Republic of China-White o Chinese Taipei B ngayong hapon.
Sasagupain ng Pilipinas sa ganap na alas-3 ng hapon ang ikalawang koponan ng host country tampok ang mga manlalaro na sinasanay nito para maipagtanggol ang gintong medalya sa kada dalawang taong Southeast Asian Games at sa 2019 FIBA World Cup qualifying tournament na 2017 FIBA Asia Cup.
Agad nakalasap ng kabiguan ang nagtatanggol na kampeon na Pilipinas, na naghahanda para sa pagsabak nito sa FIBA Asia Cup sa Beirut, Lebanon at nalalapit na 29th Southeast Asian Games sa Kuala Lumpur, Malaysia, sa una nitong laro kontra world ranked 24th na Canada, 77-90.
Nakatikim din agad ng kabiguan ang Republic of China-White, 84-87, kontra sa dating kampeon na South Korea.
Ang Pilipinas, tampok ang mga naglaro bilang mga Amerikanong import sa Philippine Basketball Association (PBA), ang huling nag-uwi ng korona matapos na walisin ang torneo nitong nakaraang taon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.