MIAMI — Nagpasabog ng 33-5 bomba ang Miami Heat sa Game Two ng NBA Finals kahapon para biguin ang San Antonio Spurs, 103-84, at itabla sa 1-all ang kanilang serye.
Nagawa ito ng Heat nang hindi gaanong umasa sa Big Three nitong sina Dwyane Wade, Chris Bosh at LeBron James.
Si Wade ay umiskor ng 10 puntos, si Bosh ay may 12 puntos at si James ay nagmintis ng 10 beses sa unang 13 tira.
Tinapos naman ni James ang laro na may 17 puntos, walong rebounds at pitong assists.
“I know my shooters only need a little bit of room to get the shot off,” sabi ni James. “For me, I struggled offensively, but the shooters made some good shots.”
Si Mario Chalmers ay may 19 puntos at si Ray Allen ay may 13 para sa Heat.
Dikitan ang laban sa first half hanggang sa magpakawala ng 33-5 rally ang Heat sa third period.
Mula noon ay hindi na nakabawi pa ang Spurs na nanaig sa Game One, 92-88.
Nagkamit din ng 17 turnovers ang San Antonio na nagbigay ng 19 puntos para sa Miami.
Taliwas ito sa nilaro ng Spurs sa Game One kung saan may apat na errors lamang sila sa kabuuan ng laro.
Ang Spurs ay pinangunahan ni Danny Green sa Game Two. Tumapos siya na may 17 puntos matapos na tumira ng 6-of-6 mula sa field, kabilang na rito ang limang triples.
Si Tony Parker, ang ‘hero’ ng Spurs sa Game One, ay nalimita sa 13 puntos kahapon. Si Tim Duncan ay nalimita rin sa siyam na puntos at si Manu Ginobili sa limang puntos.
Ang Game Three ay lalaruin bukas sa homecourt ng San Antonio.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.