2 lumundag sa gusali dahil sa lindol sa Ormoc | Bandera

2 lumundag sa gusali dahil sa lindol sa Ormoc

John Roson - July 10, 2017 - 03:20 PM
Nagtamo ng bahagyang pinsala ang dalawang lalaki matapos lumundag mula sa gusali, sa kasagsagan ng panic na dulot ng lindol na yumanig sa Ormoc City at iba pang bahagi ng Visayas Lunes ng umaga. Isinugod sina Alexander Balang, 45, at Edgar Tabaco, 46, sa ospital para bigyan ng atensyong medikal, sabi ni Supt. Ma. Elma Delos Santos, tagapagsalita ng Ormoc City Police. Nag-panic ang dalawa noong kasagsagan ng lindol, kaya lumundag mula sa ikalawang palapag ng Pongos Hotel sa Bonifacio st., sabi ni Delos Santos sa isang text message. Sina Balang at Tabaco ay kapwa residente ng Baesa, Quezon City, at nakikituloy sa naturang hotel, aniya. Dinala ng mga kawani ng Philippine National Red Cross ang dalawa sa Ormoc Doctor’s Hospital, kung saan napag-alaman na wala silang matinding pinsalang tinamo, ani Delos Santos. Niyanig ng magnitude-5.4 lindol ang Ormoc alas-9:41 ng umaga. Naitala sa lungsod ang lakas na Intensity 6, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology. Nagdulot ng takot sa mga residente ang pagyanig, na naganap ilang araw lang matapos ang magnitude-6.5 na lindol na tumama sa iba-ibang bahagi ng Leyte kabilang ang Ormoc, noong Huwebes. Matatandaan na sa unang lindol ay maraming bahay at imprastruktura ang napinsala, habang may dalawang nasawi at mahigit 200 nasugatan. Ang magnitude-5.4 na lindol sa Ormoc ay itinuturing na “aftershock” ng naunang lindol sa Leyte, ayon sa PHIVOLCS.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending