Dalawang tao na ang naiulat na nasawi at di bababa sa tatlo ang nasugatan dahil sa magnitude-6.5 lindol na yumanig sa iba-ibang bahagi ng Visayas Huwebes ng hapon, ayon sa pulisya.
Isa ang nasawi at tatlo ang nasugatan sa pagguho ng 2-palapag Queda building sa Kananga, sabi ni Chief Insp. Anabel Roche, tagapagsalita ng Leyte provincial police, nang kapanayamin ng Bandera sa telepono.
Habang isinusulat ang balitang ito’y nagsasagawa pa ng search and rescue operation sa gusali, na nabuwal dakong alas-4:15.
Di pa matiyak kung ilang tao ang nasa loob ng gusali nang maganap ang insidente.
Samantala, nasawi rin ang isang Riza Rosales, 18, nang mabagsakan ng “debris” sa Brgy. Cabaonan, Ormoc City, noong kasagsagan ng lindol, sabi ni Supt. Ma. Elma delos Santos, tagapagsalita ng city police.
Naglilibot pa sa mga pagamutan ang mga miyembro ng city police para alamin kung may iba pang nasaktan dahil sa lindol.
Kasalukuyang dumaranas ang Ormoc ng brownout, na nagsimula matapos ang pagyanig, ani Delos Santos.
Inihayag naman ni Roche na nakatanggap ang Leyte police ng impormasyon na nagkaroon ng bitak ang ilang bahagi ng national highway patungo sa Tabango, dahil sa lindol.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
What's trending