3 bombers ng Maute timbog sa CDO | Bandera

3 bombers ng Maute timbog sa CDO

John Roson - July 05, 2017 - 07:31 PM

NAPIGILAN ng mga tropa ng pamahalaan ang posibleng pambobomba sa Cagayan de Oro City at ibang bahagi ng Mindanao nang maaresto ang tatlong tagasuporta ng Maute group at masamsam ang mga piyesang panggawa ng bomba sa lungsod kahapon ng umaga, ayon sa mga opisyal.

Kabilang sa mga nadakip si Monaliza Solaiman Romato, ang pumalit sa naarestong Maute clan matriarch na si Ominta “Farhana” Romato Maute bilang tagapondo ng grupo, sabi ni Armed Forces spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla sa pulong-balitaan.
Dinampot ng mga sundalo at pulis sina Romato, na pamangkin ni “Farhana,” Tahera Taher at isang hindi pa nakikilalang lalaki nang i-raid ang bahay na inuupahan ng isang Irene Idris sa Aluba, Brgy. Macasandig, alas-4:30.
“That house is frequented by women and it was learned that it is where bomb-making materials were kept and assembled,” ani Padilla sa mga reporter.
Nasamsam sa bahay ang apat na M203 rifle-fired grenade, isang blasting cap, 9-volt battery, isang piraso ng C4 explosive, mga detonating cord, 19 piraso ng 100-watt na bumbilya, jungle knife, at dalawang container ng hinihinalang ammonium nitrate.
“The operation effectively foiled possible bombings in Cagayan de Oro and other areas,” ani Padilla.
Matatandaan na naaresto si “Farhana,” dalawang sugatang kasapi ng Maute group, at pitong babae sa Masiu, Lanao del Sur, noong Hunyo 9, habang lumalabas ng lalawigan.
Naaresto si Romato halos isang buwan matapos madakip si Mohammad Noaim Maute alyas “Abu Jadid,” na umano’y bomber ng Maute group, sa Cagayan de Oro noong Hunyo 15.
Walang natagpuang pampasabog sa pinagtaguan ni “Abu Jadid,” at napag-alaman na iniiwan ng mga lalaking kasapi ng Maute group ang kanilang bomb-making materials sa mga lugar kung saan naninirahan ang mga kaanak na babae, ani Padilla.
Sinuportahan ni Romato ang pamamalagi ni Abu Jadid sa Cagayan de Oro noong mabobomba sana siya sa lungsod noong nakaraang buwan ng Ramadan, sabi naman ni Brig. Gen. Gilbert Gapay, tagapagsalita ng martial law sa Eastern Mindanao.
Si Romato ay ina ng isang alyas “Colingling,” na nagsisilbi bilang intellligence at liaison officer ng Maute group sa Cagayan de Oro, ani Gapay.
Kinupkop rin ni Romato ang mga kasapi ng Maute group na sina Farida Romato, Al Majid Romato, at Al Jadid Romato, noong tumuloy sila sa lungsod bago maaresto sa Iloilo Port noong Hunyo 18, ayon sa opisyal.
“The arrest [of Romato] prevented the Maute group from staging diversionary attacks in Northern Mindanao and will adversely affect the logistics support network of the group,” sabi pa ni Gapay.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending