Walang pagpipigil sa sarili, kapahamakan ang dala | Bandera

Walang pagpipigil sa sarili, kapahamakan ang dala

Susan K - June 30, 2017 - 12:10 AM

KAPANSIN-PANSIN na mismong mga sarili din natin ang siya nating numero-unong kaaway.

Mahirap nga bang kontrolin ang sarili? Paano nga ba makokontrol ang mga emosyon, pagnanasa, kasakiman, galit at marami pang iba.

Sa California, USA, isang yaya ang kinasuhan dahil sa pananakit sa kanyang alaga. Sa Macau, isang Pinay OFW ang pinaghahanap ngayon ng mga otoridad matapos matuklasang ninakawan nito ang kanyang employer.

Sa Singapore, isang Pinoy engineer ang kinasuhan dahil sa pagkuha nito ng mga litrato ng mga pasahero sa train station.

Sa Malaysia, isang Pinoy ang nanuhol sa pulis trapiko doon matapos itong mahuli at kung mahahatulan ay 20 taong pagkakulong ang sentensiyang naghihintay sa kanya bukod pa sa multa.

Sa Dubai, UAE, isang Pinay ang nangholdap sa isang jewelry store doon gamit ang laruang baril.

Sa maraming mga bansa, uso ang maraming asawa o palitan ng asawa. Pagdating sa abroad, magpapakilalang biyudo o biyuda gayong buhay na buhay naman ang mga naiwang asawa sa Pilipinas.

Isang Pinoy OFW ang may tatlong kinakasama sa iisang bansa at pare-pareho niyang ipinakikilalang asawa ang mga iyon.
Ipinagmamalaki niyang hindi alam ng tatlong babae ang kalagayan ng bawat isa.

Gayong maliit lamang ang bansang kinaroroonan nila at kahit sa buong maghapon, puwedeng-puwede nang maikot ang bansang iyon, nakapagtatakang hindi naman nagkakaalaman ang mga babaeng ito.

Palibhasa’y may tatlong itinuturing na mga asawa at pare-parehong may anak siya sa mga ito, kung kaya’t triple-kayod ito sa paghahanap-buhay.

Ang masakit na resulta, wala na siyang maipadalang suporta sa orihinal na pamilya sa Pilipinas. Iyan din ang dahilan kung bakit hindi siya makabalik ng bansa dahil kinasuhan siya ng asawa sa Pilipinas.

Lahat ng mga problemang ito, hindi sana mangyayari kung malakas ang pagpipigil sa sarili ng ating mga kababayan. Pagpigil na huwag gumawa ng masama. Kokontrolin nila ang kanilang mga isip at sasanayin ang budhing paganahin na huwag ituloy ang anumang masamang mga hangarin o kaisipan.

Pawang hindi naman konektado sa kanilang trabaho ang mga kasong kinasasangkutan ng ating mga kababayan. Nakukulong sila ng mahahabang mga taon sa abroad dahil sa sariling mga kagagawan.

Pinipiling mga pagkakamali na puwede naman sanang maiwasan kung magpo-pokus lamang sana sa paggawa ng mabuti, pokus sa trabaho, pokus sa pangunahing dahilan ng pag-aabroad: Dahil sa pamilya, atbp.

Matuto sanang palakasin ng bawat isa ang napakahalagang kata-ngiang ito, ang pagpipigil sa sarili. Tiyak na kaligtasan, kapayapaan at katahimikan ang dulot nito.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming:  www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: [email protected]/ [email protected]

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending