Dahil sa selos, Carlo kinausap ni Jason nang lalaki sa lalaki
WALA pa ring kakupas-kupas ang galing ni Carlo Aquino pagdating sa pag-arte. Puring-puri siya ng mga manonood sa panghapong serye ng ABS-CBN na The Better Half.
Nakausap namin ang binata nang bumisita kami sa taping ng serye nila nina Shaina Magdayao, JC de Vera at Denise Laurel, hiningan namin siya ng reaksyon sa mga magagandang reviews sa kanyang akting.
“Masarap sa pakiramdam, siyempre. Saka ‘yung tumagal ng ganito ‘yung show (7 months), hanggang ngayon hindi pa rin ako makapaniwala na isa ako ro’n sa main (cast),” kaswal na sabi ng aktor.
Bakit naman hindi niya naisip na dapat talagang kasama siya sa cast, “Hindi kasi pumasok sa isip ko ‘yun, basta gusto ko ‘yung ginagawa ko, mahal ko ‘yung trabaho ko, oo nakakapagod, pero dito ako dapat, ganu’n ang pakiramdam ko.
“Tapos para mabigyan ako nina Ms. Ginny (Ocampo) ng chance na ganito kalaki, ‘yung gratitude kaya hindi matatapos ‘yung pasalamat ko talaga,” kuwento ng aktor.
Huling programa ni Carlo ay mula rin sa GMO unit, ang We Will Survive, kung saan nakasama niya sina Pokwang at Melai Cantiveros.
Binanggit namin na dahil sa seryeng ito kaya nag-away noon si Melai at ang asawang si Jason Francisco. Balita kasing pinagselosan ni Jason si Carlo.
“Nakapag-usap na naman kami (ni Jason). Nag-usap lang kami, lalaki naman si Jason. Saka kapag nag-usap naman ang dalawang lalaki maiintindihan naman, saka nagtatrabaho lang kami. Saka kasi si Melai that time walang loveteam kaya naiintindihan ko,” paliwanag ni Carlo.
Sa tanong kung mag-iingat na sa susunod si Carlo sa mga babaeng nakaka-partner niya, “Hindi ako mag-iingat kasi trabaho ‘yun, e, ginagawa ko lang naman, at oo kung may mangyayaring (selos) ganu’n, kakausapin ko. Si Jason tumawag sa akin para mag-usap kami, at least hindi ‘yung kani-kanino niya sinasabi,” kuwento pa ng binata.
Paano ang bungad ni Jason nang tawagan siya? “Iki-nuwento niya kung paano pinitch kay Melai yung story. Dapat naman talaga, two weeks lang ako sa show. Okay lang naman, maiintindihan mo ‘yun, kasi iba ‘yung sinabi, iba ‘yung nangyari. Kasi for a long time, si Melai kasi, walang ganu’n, e. Naiintindihan ko yun. Ako rin, pag ganu’n, di ba?” pahayag ng aktor,
At dahil sa gusot na nangyari noon sa mag-asawang Jason at Melai ay sinabihan daw sina Carlo na ika-cut short ang We Will Surive.
“Nu’ng sinasabi nga sa akin na baka sakaling ma-cut short, nagtataka ako kung bakit. Sabi nga sa akin, may mga ganito, ganyan. Sabi ko, dapat yata makapag-usap kami ni Jason. Tapos, ayun, tumawag siya sa akin after ilang days,” esplika pa ng aktor.
q q q
Sa totoo lang walang dapat ipagselos si Jason kay Carlo dahil happy na siya sa long time girlfriend niyang si Kristine Nieto at inamin din niyang matagal na silang nagsasama.
Sa tanong kung kailan sila magpapakasal ni Kristine, “Kapag settled na ‘yung mga ipon tapos kung makapagpatayo kami ng business na maski wala akong trabaho mayroon kaming kita. May bahay na kami,” sagot ng binata.
Si Kristine na raw ang babaeng pakakasalan niya, “Hindi naman kami tatagal ng anim na taon unang-una bakit ko sasayangin ang oras niya.”
Maski sa madaling araw lang kung magkita sina Carlo at Kristine ay sinisiguro ng aktor na nakakapag-usap sila, “Madaling-araw kasi ako uuwi tapos paalis na siya kasi nag-aaral siya ng Culinary Arts. Nagbi-breakfast kami tapos matutulog ako,” kuwento pa ng binata.
Kung pinagselosan siya ni Jason ay hindi ba pinagselosan ni Kristine sina Shaina at Denise? “Meron din, kasi hindi ako nagkukuwento sa kanya, e, sa script. Medyo nagugulat siya n’ung napapanood niya kaya kinausap ko siya. Yun ‘yon, e, communication,” pag-amin ni Carlo.
E, ‘yung mga boylet nina Shaina at Denise, pinagselosan ba siya? “Wala naman. Ha-hahaha! Nakakatawa naman ‘yun. Ano ba?” natawang sabi ni Carlo.
Going back sa The Better Half, inamin ni Carlo na ang sarap daw sa pakiramdam na nabigyan siya ng magandang role dahil sa tagal niyang nawala sa ABS-CBN ay napasama siya noon sa Dugong Buhay, tapos sa We Will Survive at ito ngang The Better Half.
“Sila Ms. Ginny talaga, sobrang laki ng utang na loob ko sa kanila,” sabi ng aktor.
At dahil marami ng karakter o role na nagampanan si Carlo ay tinanong namin kung may dream role pa siya at binanggit niya kaagad na, “Psycho!”
Itong The Better Half pala ay mala-psycho ang kuwento, pero dahil iba ang gusto ng viewers kaya may nabago.
Aminado rin si Carlo na nahirapan siya sa papel na may anak na siya dahil nga sa totoong buhay ay wala pa naman siyang tsikiting.
“Hirap na hirap ako sa eksenang iyakan nu’ng cremation na ng bata kasi ang tagal kunan, 8 a.m. to 4 p.m. kasi iba’t ibang emosyon ‘yun. Kaya ang tagal naming nag-usap ni direk na inaano (pinapaliwang) niya sa akin kung paano ‘yung tamang emosyon,” kuwento ng aktor.
As of this writing ay hindi pa alam kung hanggang kailan pa tatagal sa ere ang The Better Half na napapanood sa Kapamilya Gold pagkatapos ng Pusong Ligaw dahil na-extend na nga ito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.