MAY bago na bang titulo si House Speaker Pantaleon Alvarez? Napalitan na ba siya bilang lider ng mababang kapulungan? Totoo bang hindi siya ang pinakamakapangyarihang mambabatas ng Kamara?
Nitong nakaraang linggo ay sunod-sunod ang banat niya sa Court of Appeals (CA) dahil sa pagpabor ng huli na palayain ang tinaguriang Ilocos 6, na ipinakulong sa Kamara matapos pagbintangan na nagsisinungaling.
Tatlong linggo nang nakadetine ang anim na opisyal at kawani ng Ilocos Norte provincial government na humarap sa pagdinig sa anomalya umano sa paggastos ng kita mula sa excise tax.
Giit ni Alvarez, kayang-kaya raw ng Kamara na lusawin ang CA sa pagkontra nito sa mga mambabatas.
“Kaya iyan nage-exist ay dahil na-create iyan ng Congress. Anytime ay puwede namin silang i-dissolve. Dapat mag-isip sila,” hirit ni Speaker.
Plano rin umano niyang ipa-disbar ang tatlong justices na pumabor sa petition for habeas corpus ng anim na tinawag niyang “gago” at “bugok” dahil sa kawalan umano ng kaalaman sa batas.
Ipinagdiinan din ni Alvarez na may karapatan ang Kongreso na mag-cite for contempt ng mga testigo na sa pakiramdam nila ay nagsisinungaling kaya hindi na dapat pang nakiki-alam pa ang CA.
Wala rin umanong karapatan ang CA na pagpaliwanagin ang mga lider ng Kamara sa patuloy nilang pagbabalewala sa utos ng una na ilitaw ang Ilocos 6.
Sa mga walang kanerbiyos-nerbiyos niyang mga deklarasyon at pagmemenos sa CA dahil salungat ito sa kanyang desisyon, hindi kaya kailangang uminom ng kape itong si Alvarez?
Hindi rin kaya niya nararamdaman na negang-nega na ang dating niya sa mga Pinoy dahil sa tila panggigipit niya sa CA gayong may ibang dapat humarap sa laban na ito?
Bakit hindi niya pabayaang makipagsabong mag-isa sa CA si House majority leader Ilocos Norte Rep. Rodolfo Farinas?
Tuloy marami ang nakakapansin na tila sunud-sunuran siya kay Farinas, na siyang pasimuno ng imbestigasyon sa umano’y anomalya sa Ilocos Norte at nagtulak upang ma-cite for contempt at makulong ang mga nasabing opisyal at kawani, na kung ano ang gusto nito ay hindi mababali.
Eto nga at kung saan-saang direksyon na nakarating ang nasabing usapin/legislative investigation sa excise tax ay walang anumang angal mula kay Alvarez.
Mapapansin din na kapag kanais-nais ang isang isyu, tiyak ay nakabalandra ang pangalan ng majority leader pero kapag hindi pabor sa kanya ang usapin, asahang low profile lang si Farinas at hahayaang mabilad si Alvarez sa mga batikos at pamba-bash.
Si Farinas na ba ang Speaker at si Alvarez ang tumatayong tagapagtanggol at tagapagsalita nito? Nagpapauto nga ba siya sa mambabatas mula sa norte? Totoo bang kahol lang ang kaya niyang gawin pero ang kagat ay nasa majority leader?
Kawawa naman si Alvarez kung ang magiging persepsyon ng publiko sa kanya ay sa papel lamang siya Speaker of the House of Representatives.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.