KINAKABAHAN ako sa US-FAA monitoring report nitong Hunyo hinggil sa mga insidente ng pilot error sa bansa. Mabuti na lamang at walang pasaherong nadidisgrasya. Ang malaking palaisipan sa akin ay kung bakit galing sa DOTC o CAAP ang mga report na ito. Bakit hindi ito nalalaman ng media?
Eto ang report:
Nagbanggan o may “wing tip collision” ang A320 Cebu Pacific jet sa A320 Air Phil Express sa Puerto Princesa (pilot error); nag-over run o lumampas naman sa runway ng Kalibo airport ang A320 Air Phil Express (pilot error); isang A320 Air Phil Express ang tinamaan ang perimeter fence ng Kalibo airport habang sinusubkan nitong mag-landing (pilot error). Isang A320 Cebu Pacific jet ang napunta sa putikan matapos lumampas sa runway (pilot error). At bago ang insidente sa Davao, isang Air Philippine Express jet ang nabangga ang dalawang landing lights sa airport doon ilang minuto bago dumating ang nabalahong jet ng Cebu Pacific (pilot error).
Hindi kaya na-distract ang piloto ng Cebu Pacific dahil nawalan ng dalawang landing lights? Ano naman ang ginawa ng CAAP ng masira ito? Naadvise ba ng Airport tower ang piloto?
Madalas akong sumakay ng eroplano at ang mga pilot error na ganito ay hindi dapat inililihim sa mga pasahero ng Cebu Pacific, Philippine Air Lines o alinmang kumpanya. Karapatan nating malaman kundi man sa kanila ay sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na siyang protektor natin dito.
Pero, lumilitaw na ito pa mismong CAAP ang nagtatakip sa mga kapalpakan ng pamamalakad ng mga airport natin.
Pati Davao city government ay pinalihiman pa nga gayong nakikita at nagrereport ang mga baranggay officials ni Mayor Sara Duterte sa pagsadsad at pagusok ng Cebu Pacific jet sa kanilang airport. Yun nga lang merong isang naka-duty na guard ang di nakatiis at nagsumbong na.
INUTIL nga itong CAAP at liderato ni Gen. William Hotchkiss kung kapakanan ng taumbayang pasahero ang pag-uusapan.
Sa latest statistics, 5.2 million domestic passengers ang sumakay sa mga eroplano mula Enero. Napakaraming tào na ngayo’y mga bulag, pipi at bingi sa mga ginagawang “proteksyon” ng CAAP.
Hihintayin ba nating maulit ang nag-crash na Cebu Pacific flight 387 nay may 131 passengers sa Cagayan de Oro noong 1998 at ang Air Philippines flight 341 na merong 103 passengers at nag-crash din sa Davao noong 2000?
vvv
Isang sindikato ng hired killers ang nahuli ng NBI sa Payatas na ang lider ay aktibong sundalo ng Philippine Army. Mahigit 100 pistola ang nakumpiska sa bahay nito at naaresto rin ang mga tirador na mga driver at obrero.
Sa Tagaytay city naman ay naaresto ang mga hitmen na pumatay kay Nasugbu registrar Reynaldo Aquino. Sinasabing mga ordinaryong tao din ang mga suspek dito at kung hindi pa mahuhuli sa akto tiyak na makalulusot pa ang mga ito. Naalala ko rin iyong mga hired killers mula sa Pagbilao, Quezon na pumatay sa broadcaster at environmentalist na si Gerry Ortega.
Mga ordinaryong tao na walang police o military traning pero ginagawang “SIDELINE” ang pagpatay kapalit ng pera. Ika nga, pati away kapitbahay ay pinapatulan ng mga grupong ito na kung minsan ay P10,000 lang ang presyo ng buhay. ng tao.
Hindi pwedeng gawing dahilan dito ang kahirapan kayat kapit sila sa patalim. Ito ay lantaran at mag-asawang sampal sa mga otoridad at sa buong justice system lalot malaya silang pumapatay ng kanilang mga target nang hindi nahuhuli.
Tama ang ginagawa ng NBI sa panghuhuli sa hired group sa Quezon city. Pero, ano naman ang ginagawa ng PNP at liderato ni Chief Alan Purisma?
Makinig tuwing 6-9 am Lunes hanggang Biyernes sa BANNER STORY, ang radio programa namin ni Ms Arlyn de la Cruz sa RADYO INQUIRER – DZIQ- 990. sa inyong AM band.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.