MULI ay nabigo ang Star Hotshots na makarating sa championship round sa ikalawang sunod na pagkakataon sa season na ito.
At gaya ng nangyari sa kanila sa nakaraang Philippine Cup ay masaklap ito. Mas masaklap!
Ito ay dahil sa mas maikli ang naging seryeng ito kontra sa San Miguel Beer. Pero mas dikdikan at dikit ang mga scores.
‘Yun bang tinatawag na ‘anybody’s ballgame.’
Nakauna nga ang Hotshots sa Beermen nang magwagi sila sa Game One, 109-105, noong Hunyo 10.
Iyon ang ikawalong sunod na panalo ng tropa ni coach Chito Victolero buhat noong elimination round.
Magugunitang winakasan nila ang elims nang may limang sunod na tagumpay upang tapusin ang yugto sa kartang 9-2. Dahil doon ay nakatabla nila ang Beermen at Barangay Ginebra Gin Kings sa first place.
Pero nalaglag sila sa ikatlong puwesto matapos gamitin ang quotient system dahil sa ang dalawang talo nila ay galing sa Beermen at Gin Kings.
Nakaharap nila ang defending champion Rain or Shine sa best-of-three quarterfinals. Dinaig nila ang Elasto Painters sa dalawang games upang tapusin ang paghahari ng mga ito.
At hayun nga nakauna pa sila sa Beermen.
Pero kumbaga sa pelikula, ‘yun na pala ang ‘the end’. Hindi na sila nagwagi ulit at natatluhan sila ng San Miguel Beer.
Ang masakit ay palagi silang natutuka sa dulo.
Nanaig ang Beermen sa Game Two, 77-76.
Sa Game Three ay abot-kamay na nila ang tagumpay nang bigyan sila ng two-point lead ng import na si Ricardo Ratliff, 110-108, sa huling 13 segundo.
Pero nagmilagro si Marcio Lassiter nang magpabanda ito ng isang three-point shot sa huling segundo upang masilat ng Beermen ang Hotshots, 111-110.
Sa Game Four ay nakalamang ng malaki ang Beermen sa third quarter subalit rumagasa pabalik ang Hotshots. Kinapos nga lang at yumuko, 109-102.
Well, walang dapat na ikahiya ang Hotshots. Pero sandamakmak naman ang dahilan upang sila ay magsintir.
Kumbaga sa kanta ni Ray-An Fuentes, “Nandoon na, nawala pa!”
So, dalawang beses silang nasilat. Ibig sabihin ay may kulang pa talaga ang team. Hindi pa buo ang materyales ni Victolero upang makipagsabayan sila sa Big Boys.
Kasi nga ay mabigat naman talaga ang lineups ng Barangay Ginebra at San Miguel Beer na siyang top two teams ng liga.
Hindi naman dramatic ang change na kailangan. Konting-konti lang at makakasabay na sila.
Baka nga kung makakakuha sila ng matinding import para sa third conference ay puwede na silang sumabay. ‘Yun bang import na pang-Best Import at hindi mapipigilan ng ibang teams. Kumbaga ay Superman.
Ang tanong ay kung saan nila makukuha iyon?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.