Extraordinary means laban sa ISIS sa Mindanao
NOONG Marso sa pulong ng 67 bansa sa “Global Coalition to Counter ISIS” sa Washington DC, sinabi ni Australian Foreign Minister Julie Bishop ang matin-ding banta ng ISIS ‘caliphate’ sa Southern Philippines anumang oras. Ito’y magsisilbing pinto para atakihin ng ISIS ang Australia.
Kabado rin ang Malaysia at Indonesia dahil ang Mindanao para sa kanila ang “weakest security link” kung saan napakalawak ng “ungoverned space” na siya namang tinataguan ng mga Indonesian at Malaysian terrorists.
Noong June 2016, ini-release ng ISIS ang video na si Isnilon Hapilon ang amir ng lahat ng kapanalig nito sa Southeast Asia. Kasama rito ang Abu Sayyaf, Maute, at ‘Katibah al-Muhajir’ ng mga dayuhang taga-Malaysia at Indonesia.
Nitong April 6, binuo ang “Jama’at al-Muhajirin wa al-Ansar bi al-Filibin” o (JMAF) ng ISIS at nag-ooperate sa Maguindanao, Cotabato at Davao sa pamumuno ng isang Esmail Abdulmalik alias Abu Turaifi. Ang layunin nila ay ideklarang ‘Wilayah al-Filibin’ at ‘Wilayah Asia Timur’ (Malay: East Asia Province) ang Mindanao upang magsilbing ISIS operations sa tinawag nitong ‘Sharq Asya’ (East Asia).
Nitong Enero, sinabi ni AFP Chief of Staff E-duardo Año na nasugatan si Hapilon at napatay ang 15 terorista kasama ang Indonesian na si “Mohisen” sa air strikes sa Butig, Lanao del Sur.
At sa Marawi city nitong Martes, Mayo 23, magsisilbi ng arrest warrant ang 50 sundalo at pulis kay Hapilon nang maka-engkwentro nila ang maraming terorista ng Maute.
Kung susuriin, limang buwang nakatutok ang militar diyan sa Butig at sa kalapit na Marawi City, pero naging mabilis ang pagsakop ng mga tero-rista. Sinunog ang simbahan, eskwelahan, hinostage at dinukot ang pari at tauhan nito habang pinatay naman ang siyam na sibilyang Kristiyano at walong
Muslim na nilagyan ng placard na “munafik” (traydor) sa mga checkpoint.
Patuloy ang labanan ngayon doon, kung saan 44 Maute members ang napatay, 13 sundalo, dalawang pulis at 45 iba pa ang sugatan.
Nabigla ako at hindi maisip na mangyayari sa atin ang ganito na magkakaroon ng katulad na ISIS stronghold sa Mosul sa Iraq at Al Raqqa sa Syria. Mga lugar na hanggang ngayon ay di-nudurog ng mga coalition ng iba’t ibang bansa. Pero bago sila malusob, pinasok muna nila ang mga karatig lugar at nagpalaki ng teritoryo.
Ganito ba ang mangyayari sa atin?
Ang nakakatakot ay itong bagong order ng Daesh (ISIS) sa Rumiyah, ISIS journal ngayong buwan lang sa kanilang mga terorista. Nakawan ang mga hindi Muslim at pwede silang patayin at kunin ang kanilang ari-arian! Gumamit ng anumang aksyon, krimen, gera o terorismo para masaktan ang ekonomiya ng mga hindi Muslim at kanilang mga gobyerno.
Kung ito ngang Marawi City (Islamic city of the south) ang siya nang “caliphate” ng ISIS/Maute group, talagang kailangan at napapanahon ang martial law ni Duterte bilang “extraordinary means” para supilin ito.
Anim na lugar sa Mindanao ang kilalang kuta ng 10 grupo ng mga terorista ngayon. Ang Australia na malayo sa atin, pati Singapore, Indonesia at Malaysia ay nababahala rito. Tayo pa kayang taga-Luzon at Visayas ang uupo at manonood lang sa Mindanao?
Sa totoo lang, darating at darating sa Metro Manila at Luzon ang karahasan kapag hindi naagapan ang problema ngayon.
May tanong o komento ba kayo sa kolum na ito? I-text ang inyong pangalan, edad, lugar at mensahe sa 4467.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.