NO sweat!
Iyan ang kinalabasan ng karanasan ng Gilas Pilipinas sa katatapos na 2017 Southeast Asian Basketball Association (SEABA) tournament na ating winalis.
Sinimulan natin ang torneo nang tambakan natin ang Myanmar, 147-40. Expected naman
iyon dahil hindi naman basketball-crazy country ang Myanmar. At kahit na basketball-crazy sila ay lubhang napakaliliit nila.
Pagkatapos ng panalong iyon ay sinabi ng iba ng makakatagpo rin tayo ng worthy opponent sa torneo. Kasi naman ay nakakalaban na natin ang mga ito sa SEA Games tuwing dalawang taon.
Nasa isip ng karamihan ang Malaysia, Thailand at Indonesia na baka makasilat sa atin.
Pero wala palang basehan ang ating pangamba. Kayang-kaya ang kalaban!
Kung dikit man ang score ng laro sa first half ng ilang games, iyon ay dahil siguro sinusukat natin sila. Pero pagdating ng second half ay dinidiinan na ng mga Pinoy ang silinyador at tuluyang lumalayo.
Kung titingnan, dapat ay hindi nga pinanonood ang ganitong mga laro na tambakan. Pero sinuportahan ng mga Pinoy basketball fans ang kampanya ng Gilas Pilipinas at pumunta sila sa Smart Araneta Coliseum.
Nagdala sila ng banners, nagpapinta ng bandila ng Pilipinas sa mukha, bumili ng T-shirts, humiyaw at nagsayaw.
Kahit na malaki na ang abante ng Pilipinas, inuudyukan pa rin nila ang Gilas Pilipinas players na tambakan pa ang mga kalaban. Tuwang-tuwa sila sa nakikitang pagdomina ng Gilas Pilipinas sa kanugnog bansa natin.
At siyempre, bihira naman na makapanood ang mga Pinoy ng ating national team na naglalaro sa ating bakuran. Bihira nilang makitang magkampeon ang Pilipinas dito mismo sa bayan natin.
Kahit nga wala namang championship na pinaglabanan sa torneo ay tuwang-tuwa sila. Kampeon sa kanilang paningin ang Gilas Pilipinas.
Pero ang totoong nakuha natin ay hindi korona kundi karapatan na umusad sa World Cup qualifier ng FIBA.
Iyon ang totoong torneo. Nandoon ang pinakamahusay na koponan sa ating kontinente. At hindi na ito magiging walk in the park.
Ang problema ay baka hindi makasama ng Gilas Pilipinas sa World qualifier ang ating naturalized player na si Andray Blatche. Isa siyang malaking kawalan kapag nagkataon.
Kaya naman ngayon pa lang ay humahanap na tayo ng kapalit niya. Ilang mga imports sa kasalukuyang Commissioner’s Cup ang kinukunsidera. Pero wala pa ring aksyong nagaganap. Tinitimbang pa rin natin ang mga available options.
Sana ay makakuha nga tayo ng papalit kay Blatche kung sakali para nang sa ganoon ay tuloy-tuloy na mabunyi ang mga Pinoy.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.