Susan Roces saludo sa dedikasyon, kabaitan ni Coco: Basta ingatan lang ang kalusugan!
SIGURADONG proud na proud at tuwang-tuwa si Da King Fernando Poe, Jr. sa lahat ng paghihirap na ginagawa ni Coco Martin para sa industriya ng pelikula at telebisyon.
‘Yan ang paniwala ng Reyna Ng Pelikulang Pilipino na si Ms. Susan Roces dahil sa pagtulong ng Teleserye King para mas mapabuti pa ang kalagayan ng showbusiness sa Pilipinas.
Magkasama pa rin ang dalawa sa seryeng FPJ’s Ang Probinsyano ng ABS-CBN na tatagal pa hanggang sa 2018. Abot-langit ang pasasalamat ng veteran actress sa madlang pipol dahil sa patuloy na suportang ibinibigay sa kanilang programa.
“Lahat kami ay masayang-masaya na lagi kaming sinusubaybayan ng manonood sa mga ginagawa namin. Mahirap man na trabaho kasi halos araw-araw kami nasa taping, ganu’n pa man, nakakataba ng puso na ina-appreciate kami ng viewers,” sabi ni Ms. Susan sa panayam ng ABS-CBN.
Bilib na bilib ang aktres sa dedikasyon at kabaitan ni Coco, “Tungkol sa trabaho niya, wala na ako ma-advise pa, basta ingatan lang ang kalusugan dahil siya’y talagang buhos na buhos sa kanyang trabaho. Sobra-sobrang dedikasyon niya dinidibdib niya na magawa ng maayos ang serye.”
Bukod dito, excited na rin daw ang award-winning actress sa gagawing remake ng classic at iconic movie ni FPJ, ang “Panday” na balak isali sa MMFF 2017. Ito’y pagbibidahan at ididirek ni Coco.
“Well I wish them luck. Nabangit nga niya sa akin yung tungkol sa pakikipag-usap niya na una tinanong niya ako kung may karapatan daw ba siya na gawin niya ang Panday. Sabi ko, ‘Ang tanging may karapatan na makapagsabi sa ‘yo ay ang writer nito na si Carlo J. Caparas,” sey ng aktres.
Dugtong pa niya, “Natutuwa ako at nagpasasalamat na naisipan nila na gawing teledrama ang Probinsyano.”
Nang matanong kung makakasama rin ba siya sa pagbabalik ng “Ang Panday” sa big screen, “Siguro naman sa background nalang ako, behind the scene at todo suporta ako sa kanya. Ang pelikula ay para sa kanila na at pang teleserye na lang ako,” sagot ni Ms. Susan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.