Jaya: Hindi lahat ng single mom na-ano lang, ang sakit naman!
SA ginanap na presscon ng Queen of Soul na si Jaya para sa kanyang “No Boundaries” concert na gaganapin sa Music Museum sa Mayo 12 ay napag-usapan ang tungkol sa “na-ano lang” joke ni Sen. Tito Sotto kay DSWD Sec. Judy Taguiwalo.
Hindi kinondena ni Jaya ang sinabi ni Sen. Sotto, basta ang sabi niya ay sinasaluduhan niya lahat ng single mom dahil hindi madali ang dinanas nilang sa buhay para itaguyod ang kanilang mga anak.
Pinalaki si Jaya ng kanyang inang si Elizabeth Ramsay bilang single parent kaya nakaka-relate siya sa isyung ito.
Aniya, “Kasi hindi madali, ang hirap na nga na may katuwang ka, paano pa ‘yung mag-isa ka, magtatrabaho ka, papakainin mo, papatulugin mo, pag nagkasakit, hospital, ang hirap-hirap talaga.
“Nakita ko ‘yung nanay ko, single mom siya, although kakaiba rin noong ‘70s, so kapag paubos na ‘yung pera, kailangan nang humanap ng raket, mainit ang ulo. Kasi wala namang supplement from the dad at hindi lahat ng single mom ay single dahil ‘na-ano lang.’
“Some of them, their husband’s passed away or nagloko ‘yung asawa or OFW, ang dami rin kasing babaero (kaya nahiwalay), kaya hindi lahat ng single mom ay na-ano lang, napakasakit namang isipin ‘yun, but for me, like I always say, I really, really admire single moms kasi hindi madali,” ani Jaya.
May mensahe ba si Jaya kay Sen. Sotto, “Wala, I’m sure he knows and he knew what he said and hayaan na lang natin.”
Ang mensahe naman ng Queen of Soul sa mga single mom ngayong malapit na ang Mother’s Day, “Single moms, I admire you, I salute you, I pray for all of you becase of what you do. It’s such a tough job and so admirable and commendable and I’m sure all children that grew up with single moms like me, ramdam n’yo ‘yan.
“At pasalamatan n’yo ang inyong mga magulang dahil talagang lahat ay gagawin ng ina para sa kanilang mga anak kahit na nga minsan mali, ginagawa na nila para lang maibigay ang dapat na ibigay sa inyo, sa atin.
“So, let’s love our moms and dads, kahit sino pa ‘yung single parent na ‘yan, love them, pray for them, be kind to them because a lot of kids today nakikita ko na ikinakahiya nila ‘yung magulang nila whether a single mom or single dad, it’s not right.
“Honor your father and mother, it’s a command, it’s not something that you just choose, it’s a commandment, you follow that and you will be blessed,” pahayag pa ng singer.
Samantala, pangarap pala ni Jaya ang magdrama at hoping na sana ay mapasama siya sa isang episode ng Maalaala Mo Kaya.
“Gusto kong gawin, hindi ko kuwento (buhay), gusto ko lang umarte kasi MMK sobrang de kalidad siya, ‘yung nagagawa ng istorya sa mga artista, instead of artista sa istorya, ‘yun ang gusto kong gawin,” pag-amin ng singer.
Dagdag pa niya, “Pinaparating ko na sa mga tao, sa management na gusto kong umarte.”
Sa katunayan ay nagpasabi na raw siya sa pinsan niyang direktor na si Chris Martinez.
“Si Chris Martinez nga, pinsan ko ‘yan, sinabi ko rin dati na gusto kong mag-musical o mag-indie (film), alam ko mahirap, pero if may time, gusto ko. Sabi ni direk, nahiya raw siya. Ha-haha! Inalok ko sa kanya, I’m sure gagawin nya,” kuwento ni Jaya.
Anyway, ang nalalapit niyang “Jaya: No Boundaries” concert ay may hugot song na isinulat ni Yeng Constantino na gustung-gusto niya dahil bagay sa kanya lalo na kung nakakaramdam siya ng pain.
Special guests niya rito ang Upgrade, Dancing in Tandem Royalties, Moira Lacambra, Jannah Zaplan, Nick Vera Perez and Reign Basa as front acts produced ng Aqueous Entertainment at co-presented by Star Image and Studio Q and line produced by Cornerstone Entertainment.
Mabibili ang tickets sa lahat SM Ticket outlets at sa Music Museum ticket booth.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.