HINDI sila makaharap sa katotohanan. Nasulsulan nila ang taumbayan. Iyan ang Pagninilay sa Unang Pagbasa sa Ebanghelyo (Gawa 6:8-15; Slm 119-23-24, 26-27, 29-30; Jn 6:22-29) sa kapistahan ni San Jose Manggagawa.
Masakit ang katotohanan. Nasulsulan ng maralita si Digong na tunay na mahihirap sila. Hindi nila kayang magbayad ng P200 buwan-buwan sa National Housing Authority kaya dapat daw ay libre na lang ang bahay at lupa na inagaw sa Pandi, Bulacan. Pero, sa isang singhutan, P200 ang halaga ng shabu.
Ang maralitang ito ay dapat iulat sa UN, ICC at EU, ang madadaldal na pakialamero (kasama si Leni Robredo) sa gera kontra droga. Ang pinapatay lang daw ay mga naka-tsinelas. Naka-tsinelas din ang maralitang ito, pero buhay. Buhay na buhay sa shabu.
Mababa ang bilang ng durugista at tulak sa Pandi. Di tulad ng Wekabu, Rawmali at Sejosan (Bocaue, Marilao at San Jose). Pero, maraming maralitang Metro Manila na agaw-bahay ang durugista. Wala silang kilalang tulak sa Pandi. Saan galing ang shabu? Sa NPA? Sa Kadamay? Sa DSWD na binahugan pa sila?
Ito’y patunay na namimili si Digong sa gera kontra droga. Wala siyang itinurong barangay chairman, mayor, gobernador, kongresista’t senador, at higit sa lahat ay artista ng malaking network na drogista. Paano kung ang kanyang maralitang komunista ay mismong durugista’t drogista? Mumurahin ba niya? Hhmm na lang?
Hindi sinipa ni GMA si Erap sa panguluhan. Hindi rin ninakaw ni GMA ang panguluhan kay Erap. Sinisi ni Erap ang mga elitista sa Makati na nagsabwatan para patalsikin siya. Hindi rin ginipit ng mga Marcos si Erap. Si Erap nga ang huling umalis sa puwesto nang palayasin ni Cory. Ito’y para sa aking iginagalang sa Cebu na si JJ, manunulat.
Kailanman, di ako bilib kay Tim Orbos. Wala siyang alam sa gabundok na problema sa Metro Manila, higit ang trapik. Iginiit ko ang enhinyero (civil) bilang hepe ng MMDA. Ang enhinyero ay nagkukuwenta. Si Orbos, walang kwenta (iba ang kuwenta at kwenta). Si Digong ay promdi. Normal lang na paboran ng promdi ang estranghero sa MM dahil…
Sadyang di ko isinulat ang mga sagot sa payaphaw na tanong (random) sa mahigit 20 abogado hinggil sa “photobomber” na tore ng DMCI noong kasagsagan ng kontrobersiya; baka ako’y akusahang DC (defend and collect). Isa lang ang nagsabing gibain ito. Ang legal na opinyon ng mayorya: walang batas hinggil dito; na siyang gawad naman ng Korte Suprema.
Dapat may batas na di sakop ng non-regular holidays ang hudikatura; at kailangang may bista. Libu-libong kaso, baka umabot pa sa milyon kung ang karaniwang sala ay may 21 kaso, ang nabimbin dahil sa Asean. 20 kaso ng droga sa Maynila at Caloocan ang nadismis sana (dahil sa ampaw na ebidensiya ng pulis, na sumunod lamang sa utos na huli-huli pagkatapos sumablay ang tumba-tumba). Wala namang kinalaman ang droga sa Asean.
ROTC din naman ako noon at constable ang ranggo dahil ang training at formation ay sa Crame. Ni minsan ay di ako nakaputok ng riple. Puro assemble at dis-assemble lang, puro martsa, crawling (day/night opn), map reading at first aid. Sa lecture, ang sabi ay ipagtatanggol daw namin ang bansa laban sa foreign invaders. Sablay. Di ako tinuruang bumaril.
PANALANGIN: Mula sa galit, muhi at kasamaan, Panginoon iligtas mo ang iyong bayan; mula sa masamang espirutu, Panginoon iligtas mo kami. Litanya ng mga Santo.
qqq
REKLAMO (0916-5401958 o [email protected]): Paanong nakopya ang aking credit card number at security code? Saan ako magrereklamo? …6745 (Tugon: hindi ko alam kung paano nakopya ang iyong credit card number at security code. Magtungo agad sa National Bureau of Investigation sa Taft. Matutulungan ka nila, maging sa pagsasampa ng kaso)
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.