Abu Sayyaf remnant dakip sa Bohol | Bandera

Abu Sayyaf remnant dakip sa Bohol

John Roson - May 04, 2017 - 04:11 PM
abu-sayyaf Nadakip ng mga tropa ng pamahalaan ang isa sa mga pinaniniwalaan na natitirang kasapi ng Abu Sayyaf sa Tubigon, Bohol, Huwebes ng umaga, ayon sa pulisya. Nadakip ang suspek, na kinilala ng mga arresting officer sa alyas na “Abu Saad,” sa Brgy. Tan-awan, sabi ni Senior Insp. Reslyn Abella, tagapagsalita ng Central Visayas regional police. Dinampot ng mga barangay tanod at sundalo ang suspek dakong alas-7, habang siya’y nakikikain sa isang bahay sa bulubunduking barangay, sabi ni PO2 Lionel Latorre, ng Tubigon Police, nang kapanayamin sa telepono. “Nanghihingi kasi siya (suspek) ng pagkain at pinakain sa isang bahay, tapos ‘yung may-ari ng bahay nagduda kasi iba ang salita tapos mabaho na,” sabi ni Latorre sa BANDERA. Dahil dito’y inutusan ng lalaking may-ari ng bahay ang kanyang misis na ipaalam sa barangay chairman ang nangyari, habang siya’y nagpaiwan sa bahay kasama ang estranghero, anang pulis. Matapos iyon ay tinimbrehan naman ng barangay officials ang mga miyembro ng Army 47th Infantry Battalion na ikinalat sa kasukalan ng Bohol mula pa noong may nakatakas na mga kasapi ng Abu Sayyaf sa engkuwentro sa Inabanga noong Semana Santa. Sinamahan naman ng mga sundalo ang mga tanods sa bahay sa Brgy. Tan-awan para tingnan ang estranghero, ani Latorre. “‘Nung nakita ng lalaking may-ari ng bahay na paparating na ‘yung mga tanod at military, siya na mismo ang humuli,” anang pulis. Nakuhaan ng mga tanod at sundalo ang suspek ng isang bag na may lamang kalibre-.45 pistola, ani Latorre. Tatlong barangay lang ang layo ng Brgy. Tan-awan, Tubigon, mula sa kasunod na bayan ng Clarin, kung saan apat sa mga natitirang kasapi ng Abu Sayyaf ang napatay sa pakikipagsagupa sa mga sundalo noong Abril 22. Apat pang kasapi ng Abu Sayyaf ang napatay sa unang sagupaan na naganap Abril 11 sa Inabanga, kung saan dumaong ang mga bandidong sakay ng bangka mula Sulu. Dinala na si “Saad” sa Bohol Police Provincial Office sa Tagbilaran City para sa pagtatanong at imbestigasyon, ani Abella. “We are still waiting for reports from the Criminal Investigation and Detection Group and the Bohol provincial police if the arrested man is indeed an Abu Sayyaf remnant,” aniya. Dahil sa pagkaaresto ni Saad, may dalawa o tatlong kasapi na lang ng Abu Sayyaf ang nalalabi, mula sa 11 na pumasok sa Bohol. Inaasahan na dahil sa pagkaaresto ay mabibigyang linaw pa ang koneksyon ng Abu Sayyaf at ni police Supt. Maria Christina Nobleza na, ayon kay PNP chief Dir. Gen. Ronald dela Rosa, ay umamin na sa pagsubok na tumulong sa isang “Saad” sa Bohol. Si Nobleza, nakatalaga sa regional crime laboratory ng pulisya sa Davao City, ay nadakip kasama ng umano’y bomber at kasapi rin ng Abu Sayyaf na si Reneer Lou Dongon sa Clarin noong Abril 22.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending