UMAHON sa balag ng kabiguan ang nagtatanggol na kampeong De La Salle Lady Spikers bago nito nilampasan ang matinding hamon ng karibal na Ateneo Lady Eagles sa Game One, 21-25, 29-27, 25-22 at 25-20 sa finals ng UAAP Season LXXIX women’s volleyball kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Nagpakatatag ang Lady Spikers sa ikalawang set kung saan ilang beses nitong napigilan ang Lady Eagles upang itala ang krusyal na 29-27 panalo.
Sinandigan ng La Salle ang team captain nito na si Kim Fajardo na nagtala ng kabuuang 37 excellent sets at pitong service ace para sa kanyang 10 puntos upang ilapit ang Lady Spikers tungo sa ika-10 nitong korona.
Nagtulong-tulong naman sina Kim Keanna Dy, Desiree Cheng at Ernestine Grace Tiamzon na umahon mula sa 15-18 paghahabol sa ikaapat na set sa pagtala ng anim na puntos na atake upang agawin ang 21-18 abante bago na nito isinagawa ang panghuling apat na puntos para sa panalo.
Unang itinulak ni Fajardo ang La Salle sa 22-19 mula sa kanyang “placing” bago sinundan ng isang service ace at isang tulak sa labanan sa net. Nagawa pa umiskor ng Lady Eagles, 20-24, bago na lamang matinding pinalo ni Kim Keanna Dy ang isang quick set sa center zone para sa panalo.
Isang panalo na lamang ang kailangan ng La Salle para masungkit ang ikalawang sunod na korona.
—Angelito Oredo
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.