MAKIKIPAGTULUNGAN ang Philippine Amateur Baseball Association (PABA) sa Philippine Sports Commission (PSC) at University Athletic Association of the Philippines (UAAP) sa pagho-host nito sa 2-araw na Goodwill Games Series sa Hong Kong National Baseball Team ngayong Mayo 1 at 2 sa Rizal Memorial Baseball Stadium katuwang ang Hong Kong Baseball Association.
Darating ang HK national team sa Maynila sa umaga ng Labor Day para harapin ang UAAP champions Ateneo de Manila University ganap na alas-2 ng hapon. Kinabukasan ganap na alas-9 ng umaga ay sasagupain nito ang De La Salle University bago ang huling pakikipagharap nito kontra University of Santo Tomas.
Ang Goodwill Games ay proyekto ng PABA para makabuo ng Philippine national men’s team sa 28th BFA Asian Baseball Championship sa New Taipei City, Taiwan sa Setyembre na may basbas ng Baseball Federation of Asia.
Ang partisipasyon ng mga Pinoy batters ang magsisilbing qualifying tournament nito bago sumabak sa Taiwan tournament para sa WBSC U23 Baseball World Cup sa 2018.
Kinuha ng PABA ang mga coaches ng pangunahing apat na koponan sa UAAP para magsilbing national coaching staff na siyang magbabalangkas sa pagbubuo sa national team.
Sinabi kamakalawa ni PABA secretary-general Chito Loyzaga na ang event na ito ay kabilang sa mga inisyal na programa ng PABA na tututukan nito lalo’t hindi kabilang ang sport sa 29th Southeast Asian Games sa Kuala Lumpur, Malaysia sa Agosto 19-31.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.