Ateneo balik UAAP women’s volley finals sa ikaanim na sunod na season
Dennis Christian Hilanga - Bandera April 23, 2017 - 08:27 PM
PINALASAP ng Ateneo De Manila University sa Far Eastern University ang pinakamasakit na kabiguan na tumapos sa hangarin nito na magkampeon Linggo sa kanilang UAAP Season 79 women’s volleyball tournament Final Four game sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Sinabayan ng Lady Eagles ang mahigpit na hamon ng Lady Tamaraws upang itakas ang dramatikong 25-20, 25-10, 16-25, 26-24 panalo para upuan ang huling finals seat at umusad sa kanilang ikaanim na sunod na finals appearance.
Ang panalong ito ay lubos na mahalaga rin para sa Ateneo dahil muli nitong makakaharap sa best-of-three title-clinching series ang karibal na De La Salle University sa ikaanim na taon mula 2011. Gigil ang Lady Eagles na muling maibalik sa Katipunan ang korona na nakaputong sa kanilang mga ulo mula 2014 hanggang 2015 bago ito agawin ng Lady Spikers matapos kapusin sa game 3 ng Season 78 finals. Hawak ng Ateneo ang 20-17 lead sa ikaapat na set bago nagpakawala ang FEU ng apat na sunod na puntos para kunin ang unahan, 21-20 sa tulong ni graduating Tamaraw Remy Palma tungo sa 24-23 set point advantage. Ngunit iyon na ang naging huling opensiba ng Lady Tams matapos pumalo ng tatlong sunod na puntos ang Lady Eagles kung saan isang rumaragasang spike ni Michelle Morente ang naghatid sa Ateneo na makabalik sa finals na magsisimula sa Miyerkules. Ito rin ang ikasiyam na sunod na pagwawagi ng Ateneo laban sa FEU buhat Season 75. Nanguna para sa Ateneo si Bea De Leon sa itinalang 12 puntos mula sa siyam na attacks at tatlong blocks katulong sina Michelle Morente na may 16 puntos at Jhoana Maraguinot na nagtala ng 14 puntos. Sa pangunguna ni Bernadeth Pons ay nakapwersa ang FEU na kunin ang krusyal na third set matapos manamlay sa second set at maungusan ng Ateneo sa opening set. Umiskor para sa FEU si Pons ng 14 attacks habang si Palma ay may 12 puntos.Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
What's trending